12. Ang buong katawan ng kerubin, ang likod, ang kamay at mga pakpak ay puno ng mata at ganoon din ang mga gulong.
13. At narinig kong ang mga gulong na itoʼy tinatawag na, “Umiikot na gulong.”
14. Ang bawat kerubin ay may apat na mukha: mukha ng kerubin, ng tao, ng leon at ng agila.
15. Pagkatapos, pumaitaas ang mga kerubin. Ito ang mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa Ilog ng Kebar.
16. Kapag lumalakad ang mga kerubin, sumasama sa kanila ang mga gulong na nasa gilid at kapag lumilipad sila, kasama rin ang mga gulong.
17. Kapag tumigil sila, tumitigil din ang mga gulong at kapag umangat sila, umaangat din ang mga gulong, dahil ang espiritu nila ay nasa gulong din.
18. Pagkatapos, ang makapangyarihang presensya ng Panginoon ay umalis sa pintuan ng templo at lumipat sa itaas ng mga kerubin.
19. At habang nakatingin ako, lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong. Tumigil sila sa silangang pintuan ng templo ng Panginoon at ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila.
20. Iyon ang mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa ilalim ng presensya ng Dios ng Israel doon sa Ilog ng Kebar. At nalaman ko na ang mga nilalang na ito ay mga kerubin.
21. Ang bawat isa sa kanila ay may apat na mukha, apat na pakpak at sa ilalim ng kanilang pakpak ay may parang kamay ng tao.
22. Ang mga itoʼy kamukha ng mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa Ilog ng Kebar. Ang bawat isa ay sabay-sabay na gumagalaw kung saan sila papunta.