11. Kahit na ang mga salamangkero ay hindi makaharap kay Moises dahil tinubuan din sila ng mga bukol katulad ng lahat ng Egipcio.
12. Pero pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.
13. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at puntahan mo ang Faraon, at sabihin sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo: Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin.
14. Dahil kung hindi, magpapadala ako ng matinding salot na magpaparusa sa iyo, sa mga opisyal at mga mamamayan mo para malaman mo na wala akong katulad sa buong mundo.
15. Kahit noon pa, kaya na kitang patayin pati na ang mga mamamayan mo sa pamamagitan ng karamdaman, at wala na sana kayo ngayon.
16. Pero pinayagan kitang mabuhay dahil dito: para makita mo ang kapangyarihan ko at para makilala ang pangalan ko sa buong mundo.
17. Pero nagyayabang ka pa rin sa mamamayan ko, at hindi mo pa rin sila pinapayagang umalis.
18. Kaya bukas, sa ganito ring oras, magpapaulan ako ng mga yelong parang bato, at ang lakas ng pagbagsak nitoʼy hindi pa nararanasan ng Egipto mula nang maging bansa ito.
19. Kaya iutos mo ngayon na isilong ang lahat ng hayop mo at ang lahat ng alipin mo na nasa bukid, dahil ang sinumang nasa labas, tao man o hayop ay mamamatay kapag tinamaan ng mga yelong parang bato.’ ”
20. Natakot ang ibang mga opisyal ng Faraon sa sinabi ng Panginoon, kaya nagmadali silang isilong ang mga alipin at mga hayop nila.
21. Pero may ilan na binalewala ang babala ng Panginoon; pinabayaan lang nila ang mga hayop at alipin nila sa labas.
22. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang baston mo sa langit para umulan ng mga yelong parang bato sa buong Egipto – sa mga tao, mga hayop at sa lahat ng pananim.”