Exodus 8:15-28 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Pero nang makita ng Faraon na wala na ang mga palaka, nagmatigas na naman siya, at ayaw niyang makinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon.

16. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na ihampas niya ang kanyang baston sa lupa, at magiging lamok ang mga alikabok sa buong lupain ng Egipto.”

17. Sinunod nila ito, kaya nang hampasin ni Aaron ng kanyang baston ang lupa, naging lamok ang mga alikabok sa buong lupain ng Egipto. At dumapo ang mga ito sa mga tao at mga hayop.

18. Tinangka rin ng mga salamangkero na gayahin ito sa pamamagitan ng kanilang salamangka pero nabigo sila. Patuloy na nagsidapo ang mga lamok sa mga tao at mga hayop.

19. Sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Ang Dios ang may gawa nito!” Pero matigas pa rin ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon.

20. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at abangan mo ang Faraon habang papunta siya sa ilog. Sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ko, ‘Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin.

21. Kung hindi mo sila paaalisin, padadalhan kita ng maraming langaw, pati na ang mga opisyal at mga mamamayan mo. Mapupuno ng mga langaw ang mga bahay ninyo, at matatabunan ng mga ito ang lupa.

22. Pero hindi ito mararanasan sa lupain ng Goshen kung saan naninirahan ang mga mamamayan ko; hindi dadapo ang mga langaw sa lugar na iyon, para malaman nila na akong Panginoon ay nasa lupaing iyon.

23. Hindi magiging pareho ang trato ko sa mga mamamayan ko at sa iyong mga mamamayan. Ang himalang ito ay mangyayari bukas.’ ”

24. Nagpadala nga ang Panginoon ng maraming langaw sa palasyo ng Faraon at sa mga bahay ng kanyang mga opisyal, at naminsala ang mga ito sa buong lupain ng Egipto.

25. Kaya ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa Dios ninyo, pero rito lang sa Egipto.”

26. Sumagot si Moises, “Hindi pwedeng dito kami maghandog sa Egipto, dahil ang mga handog namin sa Panginoon naming Dios ay kasuklam-suklam sa mga Egipcio. At kung maghahandog kami ng mga handog na kasuklam-suklam sa kanila, siguradong babatuhin nila kami.

27. Kailangang umalis kami ng tatlong araw papunta sa ilang para maghandog sa Panginoon naming Dios, gaya ng iniutos niya sa amin.”

28. Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong maghandog sa Panginoon na inyong Dios sa ilang pero huwag kayong lalayo. Ngayon, ipanalangin ninyo ako.”

Exodus 8