Exodus 7:15-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Kaya puntahan mo bukas ng umaga ang Faraon habang papunta siya sa Ilog Nilo. Dalhin mo ang baston na naging ahas at makipagkita ka sa kanya sa pampang ng ilog.

16. Sabihin mo sa kanya, ‘Inutusan po ako ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo, na sabihin ito sa inyo: Paalisin mo ang mamamayan ko para makasamba sila sa akin sa ilang. Pero hanggang ngayon, hindi mo ito sinusunod.

17. Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, sa pamamagitan ng gagawin ko, malalaman mo na ako ang Panginoon. Sa pamamagitan ng bastong ito, hahampasin ko ang tubig ng Nilo at magiging dugo ang tubig.

18. Mamamatay ang mga isda, at babaho ang ilog, at hindi na makakainom dito ang mga Egipcio.’ ”

19. Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na iunat niya ang kanyang baston sa lahat ng tubig ng Egipto: sa mga ilog, sapa, kanal at sa lahat ng pinag-iipunan ng tubig, at magiging dugo ang lahat ng ito. Ganito ang mangyayari sa buong lupain ng Egipto. Kahit na ang mga tubig sa mga sisidlang kahoy o bato ay magiging dugo.”

20. Sinunod nila Moises at Aaron ang iniutos ng Panginoon. Habang nakatingin ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, itinaas ni Aaron ang kanyang baston at hinampas ang Ilog ng Nilo, at naging dugo ang tubig.

21. Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya hindi nakainom ang mga Egipcio. Naging dugo ang lahat ng tubig sa Egipto.

22. Nagawa rin ito ng mga Egipciong salamangkero sa pamamagitan ng kanilang salamangka, kaya nagmatigas pa rin ang puso ng Faraon. Hindi pa rin siya nakinig kila Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon.

23. Bumalik ang Faraon sa palasyo niya at hindi pinansin ang nangyari.

24. Naghukay ang mga Egipcio sa palibot ng ilog para makakuha ng tubig na inumin dahil hindi nila mainom ang tubig sa ilog.

25. Pagkaraan ng pitong araw mula nang hampasin ng Panginoon ang Ilog ng Nilo sa pamamagitan ni Aaron.

Exodus 7