Exodus 7:1-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makinig ka! Gagawin kitang parang Dios sa Faraon. Makikipag-usap ka sa kanya sa pamamagitan ng kapatid mong si Aaron.

2. Sabihin mo kay Aaron ang lahat ng sinabi ko sa iyo at ipasabi mo ito sa kanya sa Faraon. Sasabihin niya sa Faraon na palayain ang mga Israelita sa kanyang bayan.

3. Pero patitigasin ko ang puso ng Faraon at kahit na gumawa pa ako ng maraming himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto,

4. hindi siya makikinig sa iyo. Pagkatapos, parurusahan ko nang matindi ang Egipto, at palalayain ko ang bawat lahi ng Israel na mga mamamayan ko.

5. Kapag naparusahan ko na ang mga Egipcio at napalabas na ang mga Israelita sa kanilang bansa, malalaman nilang ako ang Panginoon.”

6. Sinunod nila Moises at Aaron ang iniutos ng Panginoon sa kanila.

7. Si Moises ay 80 taong gulang at si Aaron ay 83 naman nang makipag-usap sila sa Faraon.

8. Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,

9. “Kapag sinabi ng Faraon na gumawa kayo ng himala, sabihin mo Moises kay Aaron, ‘Ihagis mo ang baston sa harap ng Faraon,’ at magiging ahas ito.”

10. Kaya pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at ginawa ang sinabi ng Panginoon. Inihagis ni Aaron ang baston niya sa harap ng Faraon at ng kanyang mga opisyal, at naging ahas ito.

11. Ipinatawag naman ng Faraon ang kanyang matatalinong tao at mga salamangkero. Sa pamamagitan ng kanilang salamangka, nagawa rin nila ang ganoong himala.

12. Inihagis ng bawat isa sa kanila ang mga baston nila at naging ahas din ang mga ito. Pero nilunok ng ahas ni Aaron ang mga ahas nila.

13. Pero nagmatigas pa rin ang puso ng Faraon at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya na rin ng sinabi ng Panginoon.

14. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Matigas pa rin ang puso ng Faraon; hindi niya pinaalis ang mga mamamayan ng Israel.

Exodus 7