5. Narinig ko ang hinaing ng mga Israelita na inaalipin ng mga Egipcio at inalala ko ang kasunduan ko sa kanila.
6. “Kaya sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako ang Panginoon. Palalayain ko kayo sa pagkaalipin sa Egipto. Sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, matinding parusa ang ibibigay ko sa mga Egipcio, at ililigtas ko kayo sa pagkaalipin.
7. Ituturing ko kayong mga mamamayan at akoʼy magiging Dios ninyo. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon na inyong Dios na nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto.
8. Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako kong ibibigay kina Abraham, Isaac, at Jacob. Ibibigay ko ito sa inyo bilang pag-aari ninyo. Ako ang Panginoon.’ ”
9. Sinabi ito ni Moises sa mga Israelita pero hindi sila naniwala sa kanya dahil nawalan na sila ng pag-asa sa sobrang pagpapahirap sa kanila bilang mga alipin.
10. Sinabi ng Panginoon kay Moises,
11. “Lumakad ka at sabihin sa Faraon na hari ng Egipto na payagan na niyang umalis ang mga Israelita sa bayan niya.”
12. Pero sinabi ni Moises sa Panginoon, “Kung ang mga Israelita nga poʼy hindi nakikinig sa akin, ang Faraon pa kaya? Lalo naʼt hindi ako magaling magsalita!”
13. Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita at sa Faraon na hari ng Egipto na inutusan ko kayong pangunahan ang mga Israelita para lumabas ng Egipto.”
14. Ito ang mga ninuno ng mga sambahayan na nagmula sa lahi ng Israel:Ang mga anak na lalaki ni Reuben, na panganay na anak ni Israel ay sina Hanoc, Palu, Hezron at Carmi. Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan na nagmula kay Reuben.
15. Ang mga anak na lalaki ni Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar at Shaul. (Si Shaul ang anak ni Simeon sa isang Cananea.) Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan na nagmula kay Simeon.
16. Ang mga anak na lalaki ni Levi ayon sa kasaysayan ng lahi niya ay sina Gershon, Kohat at Merari. Nabuhay si Levi ng 137 taon.
17. Ang mga anak na lalaki ni Gershon ay sina Libni at Shimei.
18. Ang mga anak na lalaki ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. Nabuhay si Kohat ng 133 taon.