21. Ipinasok niya ang Kahon sa loob ng Toldang Sambahan, at isinabit ang kurtina para matakpan ang Kahon ng Kasunduan ayon sa iniutos ng Panginoon.
22. Inilagay niya ang mesa sa loob ng Tolda, sa bandang hilaga, sa labas ng kurtina.
23. At inilagay niya sa mesa ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon.
24. Inilagay din niya ang lalagyan ng ilaw sa loob ng Tolda, sa harapan ng mesa, sa bandang timog.
25. At inilagay niya ang mga ilaw nito sa presensya ng Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
26. Inilagay din niya ang gintong altar sa loob ng Tolda, sa harapan ng kurtina,
27. at nagsunog siya ng mabangong insenso sa altar. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon.
28. Ikinabit din niya ang kurtina sa pintuan ng Tolda,
29. at inilagay niya malapit sa pintuan ang altar na pinagsusunugan ng mga handog. Pagkatapos, nag-alay siya sa altar na ito ng mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.