20. Pagkatapos, ipinasok niya sa Kahon ang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios, at isinuksok niya sa argolya ng Kahon ang mga tukod na pambuhat, at tinakpan ito.
21. Ipinasok niya ang Kahon sa loob ng Toldang Sambahan, at isinabit ang kurtina para matakpan ang Kahon ng Kasunduan ayon sa iniutos ng Panginoon.
22. Inilagay niya ang mesa sa loob ng Tolda, sa bandang hilaga, sa labas ng kurtina.
23. At inilagay niya sa mesa ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon.
24. Inilagay din niya ang lalagyan ng ilaw sa loob ng Tolda, sa harapan ng mesa, sa bandang timog.
25. At inilagay niya ang mga ilaw nito sa presensya ng Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
26. Inilagay din niya ang gintong altar sa loob ng Tolda, sa harapan ng kurtina,
27. at nagsunog siya ng mabangong insenso sa altar. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon.
28. Ikinabit din niya ang kurtina sa pintuan ng Tolda,
29. at inilagay niya malapit sa pintuan ang altar na pinagsusunugan ng mga handog. Pagkatapos, nag-alay siya sa altar na ito ng mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
30. Inilagay din niya ang planggana sa pagitan ng Tolda at ng altar. Nilagyan niya ito ng tubig para paghugasan.
31. At naghugas sina Moises, Aaron at ang mga anak niyang lalaki ng mga kamay at paa nila.
32. Maghuhugas sila kapag pumapasok sa Tolda o kapag lalapit sila sa altar. Ginawa nilang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
33. Pagkatapos, inilagay ni Moises ang mga kurtina ng bakuran, na nakapaligid sa Tolda at altar, pati ang kurtina sa pintuan ng bakuran. At natapos ni Moises ang lahat ng gawain niya.