14. Dalhin mo rin ang mga anak niya at ipasuot ang damit-panloob nila.
15. Pahiran mo rin sila ng langis gaya ng ginawa mo sa kanilang ama, para makapaglingkod din sila sa akin bilang mga pari sa lahat ng susunod pang mga henerasyon.”
16. Ginawa ni Moises ang lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon.
17. Kaya itinayo ang Toldang Sambahan noong unang araw ng unang buwan. Ikalawang taon iyon nang paglabas nila ng Egipto.
18. Ganito itinayo ni Moises ang Tolda: Inilagay niya ang mga pundasyon, balangkas, biga, at haligi.
19. Inilatag niya ang Tolda at pinatungan niya ng pantaklob. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
20. Pagkatapos, ipinasok niya sa Kahon ang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios, at isinuksok niya sa argolya ng Kahon ang mga tukod na pambuhat, at tinakpan ito.
21. Ipinasok niya ang Kahon sa loob ng Toldang Sambahan, at isinabit ang kurtina para matakpan ang Kahon ng Kasunduan ayon sa iniutos ng Panginoon.
22. Inilagay niya ang mesa sa loob ng Tolda, sa bandang hilaga, sa labas ng kurtina.