20. Gumawa pa rin sila ng dalawa pang parang singsing na ginto at ikabit nila ito sa espesyal na damit sa may bandang sinturon.
21. Pagkatapos, tinahi nila ng asul na panali ang ilalim ng mga parang singsing sa bulsa sa dibdib at ang mga parang singsing sa espesyal na damit. Sa pamamagitan nito, mapapagdugtong nang maayos ang mga parang singsing sa bulsa sa dibdib at sa espesyal na damit, sa itaas ng sinturon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
22. Tumahi rin sila ng damit-panlabas ng mga pari. Ang mga ito ay napapatungan ng espesyal na damit. Ang telang ginamit nila sa pagtahi ng damit-panlabas ay lana na purong asul.
23. Ang mga damit na itoʼy may butas sa gitna para sa ulo at may parang kwelyo para hindi ito mapunit.
24. Nilagyan nila ang palibot ng laylayan ng damit ng mga palamuting korteng prutas na pomegranata, na gawa sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula.
25-26. Nilagyan nila ng mga gintong kampanilya ang laylayan ng damit sa pagitan ng palamuting hugis pomegranata. Ang damit na ito ang isusuot ni Aaron kapag naglilingkod na siya sa Panginoon. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
27. Gumawa rin sila ng panloob na mga damit para kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Pinong linen ang tela na kanilang ginamit.
28. Ganito rin ang tela na ginamit nila sa paggawa ng mga turban, mga panali sa ulo at panloob na mga damit.
29. Ang mga sinturon ay gawa rin sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
30. Gumawa sila ng parang medalya na purong ginto at inukit nila ang mga salitang ito, “Ibinukod para sa Panginoon,” katulad ng pagkakaukit sa pantatak.
31. Itinali nila ito sa harap ng turban sa pamamagitan ng asul na panali. Ginawa nila itong lahat ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
32. Natapos ang lahat ng gawain sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan. Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
33. Ipinakita nila kay Moises ang Toldang Sambahan at ang lahat ng kagamitan nito: ang mga kawit, balangkas, biga, haligi, pundasyon,
34. ang pantaklob na gawa sa balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, ang pantaklob na gawa sa magandang klase ng balat, ang mga kurtina;
35. ang Kahon ng Kasunduan, ang takip nito at pambuhat;
36. ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios;
37. ang lalagyan ng ilaw na purong ginto at ang mga ilaw at kagamitan nito, ang langis para sa ilaw;
38. ang altar na ginto, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina sa pintuan ng Tolda;
39. ang altar na tanso at ang parilyang tanso, ang pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, ang planggana at ang patungan nito;
40. ang mga kurtina sa palibot ng bakuran at ang mga haligi at pundasyon nito, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at mga tulos para sa kurtina ng bakuran, ang lahat ng kagamitan sa Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan;
41. at ang banal na mga damit na isusuot ni Aaron at ng mga anak niya kapag naglilingkod na sila bilang mga pari sa Tolda.