Exodus 35:1-15 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Tinipon ni Moises ang buong mamamayan ng Israel at sinabi sa kanila, “Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo:

2. Sa loob ng anim na araw, gawin ninyo ang mga gawain ninyo, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil banal ang araw na ito at para ito sa Panginoon. Ang sinumang magtrabaho sa araw na ito ay papatayin.

3. Kaya huwag na huwag kayong magtatrabaho, kahit na magsindi ng apoy sa bahay ninyo para magluto sa araw na iyon.”

4. Sinabi ni Moises sa buong mamamayan ng Israel, “Ito ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo:

5. Maghandog kayo sa Panginoon mula sa mga ari-arian ninyo. Maghandog nang maluwag sa inyong puso ng mga ginto, pilak, tanso,

6. lanang kulay asul, ube at pula, pinong telang linen, telang gawa sa balahibo ng kambing,

7. balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat, kahoy na akasya,

8. langis ng olibo para sa ilaw, mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso,

9. batong onix at iba pang mamahaling bato na ilalagay sa espesyal na damit ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito.

10. “Lumapit ang lahat ng may kakayahang magtrabaho sa inyo at tumulong sa paggawa ng lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon na gawin ninyo:

11. ang Toldang Sambahan at ang mga talukbong nito, mga kawit, mga tablang balangkas, mga biga, mga haligi at mga pundasyon;

12. ang Kahon ng Kasunduan at ang mga tukod na pambuhat, takip at kurtina;

13. ang mesa at ang mga tukod na pambuhat at ang lahat ng kagamitan nito, at ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios;

14. ang lalagyan ng ilaw at mga kagamitan nito, ang mga ilaw at ang langis para sa ilawan;

15. ang altar na pagsusunugan ng insenso at ang mga tukod na pambuhat nito, ang langis na pamahid, ang mabangong insenso, ang kurtina ng pintuan ng Tolda;

Exodus 35