Exodus 34:9-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

9. Sinabi niya, “O Panginoon, kung nalulugod po kayo sa akin, nakikiusap po akong sumama kayo sa amin. Kahit na matigas ang ulo ng mga taong ito, patawarin po ninyo kami sa aming kasamaan at mga kasalanan. Tanggapin po ninyo kami bilang inyong mga mamamayan.”

10. Sinabi ng Panginoon, “Gagawa ako ng kasunduan sa inyo. Sa harap ng lahat ng kababayan mo, gagawa ako ng mga kamangha-manghang bagay na hinding-hindi ko pa nagagawa sa kahit saang bansa sa buong mundo. Makikita ng mga mamamayan sa palibot ninyo ang mga bagay na gagawin ko sa pamamagitan mo.

11. Sundin mo ang iniutos ko sa iyo sa araw na ito. Itataboy ko ang mga Amoreo, Cananeo, Heteo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo mula sa lupaing ipinangako ko sa inyo.

12. Huwag kang gagawa ng kasunduan sa mga tao sa lupaing pupuntahan ninyo, dahil magiging bitag ito para sa inyo.

13. Sa halip, gibain ninyo ang mga altar nila, durugin ang mga alaalang bato nila, at putulin ang mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera.

14. Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios dahil ako, ang Panginoon, ay ayaw na may sinasamba kayong iba.

15. Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga taong nakatira sa lupain na pupuntahan ninyo. Dahil baka matukso kayong kumain ng mga handog nila, at anyayahan nila kayo sa paghahandog at pagsamba nila sa kanilang mga dios.

16. Baka mapangasawa ng mga anak nʼyo ang mga anak nila, na silang magtutulak sa kanila sa pagsamba sa ibang mga dios.

17. “Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan.

18. “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ayon sa iniutos ko sa inyo, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw. Gawin ninyo ito sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib, dahil iyon ang buwan nang lumabas kayo ng Egipto.

19. “Akin ang lahat ng panganay na lalaki, pati ang panganay na lalaki ng mga hayop ninyo.

20. Maaaring matubos ang panganay na lalaki ng mga asno nʼyo sa pamamagitan ng pagpapalit dito ng tupa. Pero kung hindi ito tutubusin, kailangang patayin ang asno sa pamamagitan ng pagbali sa leeg nito. Maaari rin ninyong matubos ang mga panganay ninyong lalaki.“Walang makakalapit sa akin na walang dalang mga handog.

21. “Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, kahit sa panahon ng pag-aararo at pag-ani.

22. “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Pag-aani kung mag-aani kayo ng mga unang ani ng trigo, at ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Katapusan ng Pag-ani sa katapusan ng taon.

23. “Tatlong beses sa isang taon, pupunta ang kalalakihan ninyo sa mga pistang ito sa pagsamba sa Panginoong Dios, ang Dios ng Israel.

24. Itataboy ko ang mga mamamayan sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at palalawakin ko ang teritoryo ninyo. At walang sasalakay o aagaw sa bansa ninyo sa panahong lumalapit kayo sa akin na Panginoon na inyong Dios.

25. “Huwag kayong maghahandog ng dugo sa akin at kahit anong may pampaalsa. Huwag din kayong magtitira para sa susunod na araw ng karne ng tupa na handog ninyo sa panahon ng Pista ng Paglampas ng Anghel.

Exodus 34