Exodus 33:14-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Sumagot ang Panginoon, “Ako mismo ang sasama sa iyo, at bibigyan kita ng kapahingahan.”

15. Sinabi ni Moises sa kanya, “Kung hindi po ninyo kami sasamahan, huwag nʼyo na lang po kaming paalisin sa lugar na ito.

16. Dahil paano po malalaman ng iba na nalulugod kayo sa akin at sa inyong mga mamamayan kung hindi nʼyo kami sasamahan? At paano po nila malalaman na espesyal kaming mga mamamayan kaysa sa ibang mamamayan sa mundo?”

17. Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Gagawin ko ang ipinapakiusap mo, dahil nalulugod ako sa iyo at kilalang-kilala kita.”

18. Sinabi ni Moises, “Ipakita po ninyo sa akin ngayon ang makapangyarihang presensya ninyo.”

19. Sumagot ang Panginoon, “Ipapakita ko sa iyo ang lahat ng kabutihan ko, at ipapaalam ko sa iyo ang pangalan ko, ang Panginoon. Mahahabag ako sa gusto kong kahabagan; maaawa ako sa gusto kong kaawaan.

20. Pero hindi ko ipapakita sa iyo ang aking mukha dahil walang taong nakakita sa mukha ko nang nabuhay.”

21. Sinabi ng Panginoon, “Tumayo ka rito sa bato malapit sa akin.

22. At habang dumadaan ang makapangyarihan presensya ko, ipapasok kita sa siwang ng bato at tatakpan kita ng aking kamay hanggang sa makadaan ako.

23. Pagkatapos, tatanggalin ko ang kamay ko at makikita mo ang likod ko, pero hindi ang aking mukha.”

Exodus 33