Exodus 32:6-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Kaya kinaumagahan, maagang bumangon ang mga tao at nag-alay ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Kumain sila at uminom at nilubos ang pagsasaya sa pagsamba sa dios-diosan.

7. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka na dahil nagpapakasama ang mga kababayan mo na inilabas mo sa Egipto.

8. Napakadali nilang tumalikod sa mga itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng dios-diosang baka at sinamba nila ito. Naghandog ang mga Israelita sa dios-diosang ito at sinabi, ‘Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.’ ”

9. At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga taong ito.

10. Kaya pabayaan mong lipulin ko sila nang matindi kong galit. Ikaw na lang at ang mga angkan mo ang gagawin kong dakilang bansa.”

11. Pero nagmakaawa si Moises sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, bakit po ninyo ipapalasap ang galit nʼyo sa inyong mga mamamayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan?

Exodus 32