Exodus 30:24-38 Ang Salita ng Dios (ASND)

24. anim na kilong kasia (kailangan ang bigat nitoʼy ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari) at isang galong langis ng olibo.

25. Sa pamamagitan nito, makakagawa ka ng banal na mabangong langis na pamahid.

26-28. Pahiran mo ng langis na ito ang Toldang Tipanan, ang Kahon ng Kasunduan, ang mesa at ang lahat ng kagamitan nito, ang lalagyan ng ilaw at ang lahat ng kagamitan nito, ang altar na pagsusunugan ng insenso, ang altar na pinagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat ng kagamitan nito, at ang planggana at ang patungan nito.

29. Italaga mo ang mga bagay na ito para maging napakabanal nito. Ibubukod ang sinumang makakahawak nito.

30. “Pahiran mo rin ng langis si Aaron at ang mga anak niya bilang pag-oordina sa kanila, para makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari.

31. Sabihin mo sa mga Israelita na ito ang banal kong langis ang dapat gamiting pamahid hanggang sa mga susunod pang mga henerasyon.

32. Huwag nʼyo itong ipapahid sa ordinaryong mga tao, at huwag nʼyo rin itong gawin para sa mga sarili nʼyo lang. Banal ito, kaya ituring nʼyo rin itong banal.

33. Ang sinumang gagawa ng langis na ito o gagamit nito sa sinumang hindi pari ay huwag na ninyong ituring na kababayan.”

34. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kumuha ka ng pare-parehong dami ng mababangong sangkap: estakte, onika, galbano at purong kamangyan.

35. Sa pamamagitan ng mga ito, gumawa ka ng napakabangong insenso. Pagkatapos, lagyan mo ng asin para maging puro ito at banal.

36. Dikdikin nang pino ang iba sa mga ito at iwisik sa harap ng Kahon ng Kasunduan na nasa Toldang Tipanan, kung saan ako makikipagkita sa iyo. Dapat mo itong ituring na pinakabanal.

37. Huwag kayong gagawa ng mga insensong ito para sa inyong sarili. Ituring nʼyo itong banal para sa Panginoon.

38. Ang sinumang gagawa nito para gagamiting pabango ay huwag na ninyong ituring na kababayan.”

Exodus 30