Exodus 30:11-24 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises,

12. “Kapag isesensus mo ang mga mamamayan ng Israel, ang bawat mabibilang ay magbabayad sa akin para sa buhay niya, para walang kapahamakang dumating sa kanya habang binibilang mo sila.

13. Ang ibabayad ng bawat isang mabibilang mo ay anim na gramong pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Ibibigay nila ito bilang handog sa akin.

14. Ang lahat ng may edad na 20 pataas ang maghahandog nito sa akin.

15. Hindi magbabayad ng sobra ang mga mayayaman, at hindi magbabayad ng kulang ang mga mahihirap.

16. Gamitin mo ang pera para sa mga pangangailangan sa Toldang Tipanan. Bayad ito ng mga Israelita para sa kanilang buhay, at sa pamamagitan nitoʼy aalalahanin ko sila.”

17. Sinabi ng Panginoon kay Moises,

18. “Gumawa ka ng tansong planggana na tanso rin ang patungan, para gamiting hugasan. Ilagay mo ito sa gitna ng Toldang Tipanan at ng altar, at lagyan ito ng tubig.

19. Ito ang gagamitin ni Aaron at ng mga anak niya sa paghuhugas ng mga kamay at paa nila,

20-21. bago sila pumasok sa Toldang Tipanan, at bago sila lumapit sa altar para mag-alay sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy. Kailangan nilang hugasan ang mga kamay at paa nila para hindi sila mamatay. Dapat sundin ni Aaron at ng mga angkan niya ang mga tuntuning ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon.”

22. Sinabi ng Panginoon kay Moises,

23. “Kumuha ka ng pinakamainam na mga sangkap: anim na kilong mira, tatlong kilo ng mabangong sinamon, tatlong kilong asukal,

24. anim na kilong kasia (kailangan ang bigat nitoʼy ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari) at isang galong langis ng olibo.

Exodus 30