Exodus 29:32-45 Ang Salita ng Dios (ASND)

32. Kakainin ito ni Aaron at ng mga anak niya, kasama ang tinapay sa basket, doon sa pintuan ng Toldang Tipanan.

33. Sila lang ang makakakain ng karneng ito at tinapay na inihandog para sa kapatawaran ng mga kasalanan nila nang inordinahan sila. Walang ibang maaaring kumain nito dahil banal ang pagkaing ito.

34. Kung may matirang pagkain, sa kinaumagahan dapat itong sunugin. Hindi ito dapat kainin, dahil itoʼy banal.

35. “Sundin mo ang iniuutos kong ito sa iyo tungkol sa pag-ordina kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Gawin mo ang pag-ordina sa kanila sa loob ng pitong araw.

36. Bawat araw, maghandog ka ng isang baka bilang handog sa paglilinis para maging malinis ang altar, at pagkatapos, pahiran mo ito ng langis para sa pagtatalaga nito.

37. Gawin mo ito sa loob ng pitong araw; at magiging pinakabanal ang altar, at dapat banal din ang humahawak nito.

38. “Dalawang tupa na isang taong gulang ang ihandog mo sa altar araw-araw.

39. Isa sa umaga at isa sa hapon.

40. Sa paghahandog mo ng tupa sa umaga, maghandog ka rin ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis mula sa pinigang olibo. Maghandog ka rin ng isang litrong katas ng ubas bilang handog na inumin.

41. Sa paghahandog mo ng tupa sa hapon, ihandog mo rin ang mga nabanggit na harina at inumin. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin.

42-43. Ang mga handog na sinusunog ay kailangang ihandog araw-araw ng susunod pang mga henerasyon. Ihandog ninyo ito sa aking presensya, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan kung saan ako makikipag-usap sa iyo at makikipagkita sa mga Israelita. Magiging banal ang Tolda dahil sa makapangyarihan kong presensya.

44. Oo, gagawin kong banal ang Toldang Tipanan at ang altar, at ibubukod ko si Aaron at ang mga anak niya sa paglilingkod sa akin bilang mga pari.

45. Maninirahan ako kasama ng mga Israelita at akoʼy magiging Dios nila.

Exodus 29