30. Ilagay sa bulsa na nasa dibdib ang ‘Urim’ at ‘Thummim’ para naroon ito sa bulsa ni Aaron kapag pupunta siya sa aking presensya para malaman ang kalooban ko para sa mga Israelita.
31. “Ang damit-panlabas na napapatungan ng espesyal na damit ay kailangang purong asul
32. at may butas sa gitna para sa ulo. At kailangang lagyan ng butas ang parang kwelyo para hindi ito mapunit.
33-34. Palagyan ang palibot ng mga laylayan nito ng mga palamuti na korteng prutas na pomegranata, na gawa sa lanang kulay asul, ube at pula. Isingit mo ang mga palamuting ito sa mga pagitan ng gintong mga kampanilya.
35. Kailangang isuot ito ni Aaron kapag papasok siya sa Banal na Lugar para maglingkod sa aking presensya, para marinig ang tunog ng mga kampanilya kung papasok at lalabas si Aaron sa Banal na Lugar. Kung gagawin niya ito, hindi siya mamamatay.
36. “Magpagawa ka ng medalyang ginto at paukitan mo ito ng ganitong mga salita: ‘Ibinukod para sa Panginoon.’
37. Itali mo ito sa harap ng turban ni Aaron sa pamamagitan ng asul na panali,
38. para makita ito sa kanyang noo. Ipinapakita nito na dadalhin ni Aaron ang kahit anong kasalanang nagawa ng mga Israelita sa paghahandog nila sa Panginoon. Lagi itong ikakabit ni Aaron sa kanyang noo para matuwa ang Panginoon sa mga mamamayan.
39. “Ang damit-panloob ni Aaron ay kailangang pinong linen, ganoon din ang kanyang turban at ang sinturon na binurdahan ng maganda.