10. Dapat sunud-sunod ang paglalagay ng mga pangalan ayon sa kanilang kapanganakan, at anim na pangalan ang ilalagay sa bawat bato.
11. Dapat iukit ito kagaya ng pag-ukit ng platero sa pantatak. Pagkatapos, ilagay ang bato sa balangkas na ginto,
12. at ikabit ito sa tirante ng espesyal na damit bilang mga alaalang bato nila para sa mga lahi ng Israel. Sa pamamagitan nito, palaging madadala ni Aaron ang pangalan nila sa presensya ko, at aalalahanin ko sila.
13. Ang balangkas na ginto ay
14. palagyan mo ng dalawang mala-kwintas na tali na purong ginto para maikabit sa may balikat ng damit.
15. “Magpagawa ka ng bulsa sa dibdib na ginagamit sa pag-alam ng kalooban ng Panginoon. Kailangang maganda ang pagkakagawa nito, at ang tela nitoʼy kapareho ng tela ng espesyal na damit ng mga pari: pinong telang linen na may lanang kulay ginto, asul, kulay ube at pula.
16. Ang bulsa na nasa dibdib ay dapat nakatupi nang doble at parisukat – siyam na pulgada ang haba at siyam na pulgada rin ang lapad.
17. Palagyan ito ng apat na hanay ng mga mamahaling bato. Sa unang hanay, ilalagay ang rubi, topaz at beril;
18. sa ikalawang hanay, esmeralda, safiro at turkois;
19. sa ikatlong hanay, hasinto, agata at ametista,
20. at sa ikaapat na hanay, krisolito, onix at jasper. Ilagay ang mga bato sa balangkas na ginto.
21. Dapat ang bawat bato ay may pangalan ng isa sa mga anak ni Jacob bilang kinatawan sa 12 lahi ng Israel. Ang pagkakaukit ng pangalan ay gaya ng pagkakaukit sa pantatak.
22. “Palagyan din ng mala-kwintas na tali na purong ginto ang bulsa na nasa dibdib.
23. Magpagawa ka ng dalawang parang singsing na ginto at ikabit ito sa ibabaw ng mga sulok ng bulsa na nasa dibdib.
24. Isuot sa parang singsing na ito ang dalawang mala-kwintas na taling ginto,
25. at ang dalawang dulo naman ng mala-kwintas na tali ay isinuot sa dalawang balangkas na ginto na nakakabit sa tirante ng espesyal na damit.
26. Magpagawa ka ng dalawang parang singsing na ginto at ipasok ito sa ilalim ng mga gilid ng bulsa na nasa dibdib na nakapatong sa espesyal na damit.
27. Magpagawa ka pa ng dalawang parang singsing na ginto at ikabit mo ito sa espesyal na damit sa may bandang sinturon.
28. Pagkatapos, talian ninyo ng asul na panali ang mga pang-ilalim na parang singsing na ginto sa espesyal na damit. Sa pamamagitan nito, maikakabit nang maayos ang bulsa na nasa dibdib ng espesyal na damit, sa itaas ng sinturon.
29. “Kung papasok si Aaron sa Banal na Lugar, kailangang suot niya ang bulsa sa dibdib na may pangalan ng mga lahi ng Israel para alalahanin ko silang palagi.
30. Ilagay sa bulsa na nasa dibdib ang ‘Urim’ at ‘Thummim’ para naroon ito sa bulsa ni Aaron kapag pupunta siya sa aking presensya para malaman ang kalooban ko para sa mga Israelita.