Exodus 26:26-37 Ang Salita ng Dios (ASND)

26. “Magpagawa ka rin ng mga akasyang biga – lima para sa bahaging hilaga ng Tolda,

27. lima rin sa bahaging timog, at lima pa rin sa bahaging kanluran sa likod ng Tolda.

28. Ang biga sa gitna ng balangkas ay manggagaling sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo.

29. Pabalutan ng ginto ang mga tabla at palagyan ng mga argolyang ginto na pagsusuotan ng mga biga, pabalutan din ng ginto ang mga biga.

30. “Kailangang ipatayo mo ang Toldang Sambahan ayon sa planong sinabi ko sa iyo rito sa bundok.

31. “Magpagawa ka rin ng kurtina na gawa sa pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan mo ito ng kerubin.

32. Ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa apat na haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang apat na haliging ito ay nakasuksok sa apat na pundasyong pilak.

33. Kapag nakabit na ang kurtina sa mga kawit, ilagay sa likod nito ang Kahon ng Kasunduan. Ang kurtina ang maghihiwalay sa Banal na Lugar at sa Pinakabanal na Lugar.

34. Ang Kahon ng Kasunduan ay dapat ilagay sa Pinakabanal na Lugar at dapat may takip ito.

35. Ilagay ang mesa sa labas ng Pinakabanal na Lugar, sa hilagang bahagi ng Tolda, at sa bandang timog, ilagay sa tapat ng mesa ang lalagyan ng ilaw.

36. “Magpagawa ka ng isa pang kurtina para sa pintuan ng Toldang Sambahan. Pinong telang linen rin ito na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito.

37. Pagkatapos, ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa limang haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang limang haliging ito ay nakasuksok sa limang pundasyong tanso.

Exodus 26