Exodus 25:15-31 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Huwag ninyong tatanggalin ang argolyang ginto sa tukod ng Kahon.

16. Pagkatapos, ipasok mo sa Kahon ang malapad na bato na ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang aking mga utos.

17. “Pagawan mo ng takip na purong ginto ang Kahon, na 45 pulgada ang haba at 27 pulgada ang lapad.

18-19. Magpagawa ka rin ng dalawang gintong kerubin, ilalagay ito sa dalawang dulo ng takip ng Kahon.

20. Kailangan nakalukob ang pakpak ng mga kerubin sa ibabaw ng takip para maliliman nila ito, at kailangang magkaharap silang dalawa na nakatingin sa takip.

21. Ilagay mo sa Kahon ang malapad na bato na ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang mga utos ko, at pagkatapos ay takpan mo ang Kahon.

22. Makikipagkita ako sa iyo roon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon, at ibibigay ko sa iyo ang lahat ng utos para sa mga mamamayan ng Israel.

23. “Magpagawa ka rin ng mesang akasya, na may sukat na 36 na pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad at 27 pulgada ang taas.

24. Balutan mo ito ng purong ginto at lagyan ng hinulmang ginto ang mga paligid nito.

25. Palagyan nʼyo rin ito ng sinepa sa bawat gilid, apat na pulgada ang lapad, at palagyan ng hinulmang ginto ang sinepa.

26. Magpagawa ka rin ng apat na argolyang ginto at ikabit sa apat na sulok ng mesa,

27. malapit sa sinepa. Dito ninyo ipasok ang mga tukod na pambuhat sa mesa.

28. Dapat ay akasya ang tukod at nababalutan ng ginto.

29. “Magpagawa ka rin ng mga pinggan, tasa, banga at mga mangkok na gagamitin para sa handog na inumin. Kailangang purong ginto ang mga ito.

30. At kailangang palaging lagyan ng tinapay na inihahandog sa aking presensya ang mesang ito.

31. “Magpagawa ka rin ng lalagyan ng ilaw na purong ginto ang paa, katawan at mga palamuting hugis bulaklak, na ang ibaʼy buko pa lang at ang ibaʼy nakabuka na. Ang palamuting ito ay dapat kasama nang gagawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw.

Exodus 25