20. “Ngayon, isinugo ko ang anghel para bantayan at gabayan kayo sa lugar na inihanda ko para sa inyo.
21. Makinig kayo sa kanya at sundin ang sinasabi niya. Huwag kayong magrerebelde sa kanya dahil ang lahat ng ginagawa niyaʼy ginagawa niya sa aking pangalan, at hindi niya pababayaang magpatuloy kayo sa mga kasalanan ninyo.
22. Kung makikinig lang kayo nang mabuti sa sinasabi niya at gagawin ang lahat ng sinasabi ko, lalabanan ko ang inyong mga kaaway.
23. Pangungunahan kayo ng aking anghel at dadalhin kayo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hiveo at Jebuseo, at lilipulin ko sila.
24. Huwag kayong sasamba o maglilingkod sa mga dios-diosan nila, o tutularan ang mga ginagawa nila. Durugin ninyo ang kanilang mga dios-diosan, at gibain ang mga alaalang bato nila.
25. Sambahin ninyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, at bibigyan ko kayo ng masaganang pagkain at tubig. Pagagalingin ko ang inyong mga karamdaman,
26. at walang babaeng makukunan at walang magiging baog sa inyong lupain, at pahahabain ko ang inyong buhay.
27. “Tatakutin ko at lilituhin ang mga kaaway na makakaharap ninyo, at tatakas sila.
28. Magpapadala ako ng mga putakting mangunguna sa inyo, at itataboy nila ang mga Hiveo, Cananeo at Heteo.
29. Pero hindi ko sila itataboy sa loob lang ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang mapigilan ang pagdami roon ng mga hayop sa gubat.
30. Unti-unti ko silang itataboy hanggang sa dumami na kayo at kaya na ninyong angkinin ang lupain.
31. “Sisiguraduhin ko na ang hangganan ng lupain ninyo ay magsisimula sa Dagat na Pula hanggang sa Dagat ng Mediteraneo, at mula sa disyerto sa timog hanggang sa Ilog ng Eufrates. Ibibigay ko sa inyo ang mga nakatira sa lupaing iyon, at itataboy nʼyo sila.
32. Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa kanila o sa mga dios-diosan nila.
33. Huwag nʼyo silang pabayaang manirahan sa inyong lupain dahil baka sila pa ang magtulak sa inyo na magkasala laban sa akin. Kung sasamba kayo sa mga dios-diosan nila, magiging bitag ito sa inyo.”