14. “Magdiwang kayo ng tatlong pista bawat taon para sa karangalan ko.
15. Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Kagaya ng iniutos ko sa inyo, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw. Gawin ninyo ito sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib, dahil ito ang buwan na lumabas kayo ng Egipto. Ang bawat isa sa inyoʼy dapat magdala sa akin ng handog sa panahong iyon.
16. “Ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Pag-aani sa pamamagitan ng pagdadala ng mga unang ani ng inyong bukid. Ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Huling Pag-ani sa katapusan ng taon kapag titipunin na ninyo ang mga ani sa mga bukid ninyo.
17. “Dapat dumalo ang kalalakihan ninyo sa tatlong pistang ito bawat taon sa pagsamba sa akin, ang inyong Panginoong Dios.
18. “Huwag kayong maghahandog ng dugo sa akin at ng kahit anong may pampaalsa. Huwag kayong magtitira para sa kinaumagahan ng taba ng hayop na inyong inihandog sa akin sa pista.
19. “Dalhin ninyo sa templo ng Panginoon na inyong Dios ang pinakamagandang bahagi ng una ninyong ani.“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing na hindi pa naaawat sa kanyang ina.
20. “Ngayon, isinugo ko ang anghel para bantayan at gabayan kayo sa lugar na inihanda ko para sa inyo.
21. Makinig kayo sa kanya at sundin ang sinasabi niya. Huwag kayong magrerebelde sa kanya dahil ang lahat ng ginagawa niyaʼy ginagawa niya sa aking pangalan, at hindi niya pababayaang magpatuloy kayo sa mga kasalanan ninyo.
22. Kung makikinig lang kayo nang mabuti sa sinasabi niya at gagawin ang lahat ng sinasabi ko, lalabanan ko ang inyong mga kaaway.
23. Pangungunahan kayo ng aking anghel at dadalhin kayo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hiveo at Jebuseo, at lilipulin ko sila.
24. Huwag kayong sasamba o maglilingkod sa mga dios-diosan nila, o tutularan ang mga ginagawa nila. Durugin ninyo ang kanilang mga dios-diosan, at gibain ang mga alaalang bato nila.
25. Sambahin ninyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, at bibigyan ko kayo ng masaganang pagkain at tubig. Pagagalingin ko ang inyong mga karamdaman,
26. at walang babaeng makukunan at walang magiging baog sa inyong lupain, at pahahabain ko ang inyong buhay.
27. “Tatakutin ko at lilituhin ang mga kaaway na makakaharap ninyo, at tatakas sila.
28. Magpapadala ako ng mga putakting mangunguna sa inyo, at itataboy nila ang mga Hiveo, Cananeo at Heteo.
29. Pero hindi ko sila itataboy sa loob lang ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang mapigilan ang pagdami roon ng mga hayop sa gubat.
30. Unti-unti ko silang itataboy hanggang sa dumami na kayo at kaya na ninyong angkinin ang lupain.