Exodus 22:21-31 Ang Salita ng Dios (ASND)

21. “Huwag ninyong pagmamalupitan ang mga dayuhan dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto.

22. “Huwag ninyong aapihin ang mga biyuda at mga ulila.

23. Kung gagawin ninyo ito, at humingi sila ng tulong sa akin, siguradong tutulungan ko sila.

24. Talagang magagalit ako sa inyo at papatayin ko kayo sa labanan. Mabibiyuda ang inyong mga asawa at mauulila ang inyong mga anak.

25. “Kung magpapahiram kayo ng pera sa sinuman sa mamamayan kong mahihirap na naninirahang kasama ninyo, huwag ninyong tutubuan gaya ng ginagawa ng mga nagpapahiram ng pera.

26. Kung kukunin ninyo ang balabal ng kapwa ninyo bilang garantiya na magbabayad siya ng utang sa iyo, isauli mo ito sa kanya bago lumubog ang araw.

27. Sapagkat ito lang ang pangtakip niya sa kanyang katawan kapag natutulog siya sa gabi. Kung hihingi siya ng tulong sa akin, tutulungan ko siya dahil maawain ako.

28. “Huwag ninyong lalapastanganin ang Dios at susumpain ang inyong pinuno.

29. “Huwag ninyong kalilimutan ang paghahandog sa akin mula sa inyong mga ani, alak at mga langis.“Italaga rin ninyo sa akin ang inyong mga panganay na lalaki,

30. at ang panganay na mga baka at tupa. Dapat maiwan sa ina ang bagong panganak na baka at tupa sa loob ng pitong araw. Sa ikawalong araw, maaari na itong ihandog sa akin.

31. “Kayo ang pinili kong mamamayan, kaya hindi kayo kakain ng karne ng kahit anong hayop na pinatay ng mababangis na hayop. Ipakain ninyo ito sa mga aso.

Exodus 22