13. Kung napatay ng mabangis na hayop ang hayop, kailangang dalhin niya ang natirang parte ng hayop bilang patunay, at hindi na niya ito kailangang bayaran.
14. “Kung may nanghiram ng hayop sa kanyang kapwa at nasugatan ito o namatay, at wala ang may-ari nang mangyari ito. Dapat itong bayaran ng nanghiram.
15. Pero kung nariyan ang may-ari nang mangyari ito, hindi dapat magbayad ang nanghiram. Kung nirentahan ang hayop, ang perang ibinayad sa renta ang ibabayad sa nasugatan o namatay na hayop.
16. “Kung linlangin ng isang lalaki ang dalagang malapit nang ikasal, at sumiping siya sa kanya, dapat magbayad ang lalaki sa pamilya ng dalaga ng dote, at magiging asawa niya ang dalaga.
17. Kung hindi pumayag ang ama ng dalaga na ibigay ang kanyang anak na maging asawa ng nasabing lalaki, magbabayad pa rin ang lalaki ng dote.
18. “Patayin ninyo ang mga mangkukulam.
19. “Ang sinumang makikipagtalik sa hayop ay papatayin.
20. “Ang sinumang maghahandog sa ibang dios maliban sa akin ay kailangang patayin.
21. “Huwag ninyong pagmamalupitan ang mga dayuhan dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto.
22. “Huwag ninyong aapihin ang mga biyuda at mga ulila.
23. Kung gagawin ninyo ito, at humingi sila ng tulong sa akin, siguradong tutulungan ko sila.
24. Talagang magagalit ako sa inyo at papatayin ko kayo sa labanan. Mabibiyuda ang inyong mga asawa at mauulila ang inyong mga anak.
25. “Kung magpapahiram kayo ng pera sa sinuman sa mamamayan kong mahihirap na naninirahang kasama ninyo, huwag ninyong tutubuan gaya ng ginagawa ng mga nagpapahiram ng pera.
26. Kung kukunin ninyo ang balabal ng kapwa ninyo bilang garantiya na magbabayad siya ng utang sa iyo, isauli mo ito sa kanya bago lumubog ang araw.
27. Sapagkat ito lang ang pangtakip niya sa kanyang katawan kapag natutulog siya sa gabi. Kung hihingi siya ng tulong sa akin, tutulungan ko siya dahil maawain ako.