3. Umakyat si Moises sa bundok para makipagkita sa Dios. Tinawag siya ng Panginoon doon sa bundok at sinabi, “Sabihin mo ito sa mga Israelita na mga lahi ni Jacob:
4. ‘Nakita nʼyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Egipcio, at kung paano ko kayo dinala rito sa akin, katulad ng pagdadala ng agila sa mga inakay niya sa pamamagitan ng kanyang pakpak.
5. Kung lubos ninyo akong susundin at tutuparin ang aking kasunduan, pipiliin ko kayo sa lahat ng bansa para maging mga mamamayan ko. Akin ang buong mundo,
6. pero magiging pinili ko kayong mamamayan at magiging isang kaharian ng mga paring maglilingkod sa akin.’ Sabihin mo ito sa mga Israelita.”
7. Kaya bumaba si Moises mula sa bundok at ipinatawag niya ang mga tagapamahala ng Israel at sinabi sa kanila ang sinabi ng Panginoon.
8. At sabay-sabay na sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.
9. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Darating ako sa iyo sa pamamagitan ng makapal na ulap para marinig ng mga tao ang pakikipag-usap ko sa iyo, at nang lagi silang magtiwala sa iyo.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.
10. At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Puntahan mo ang mga tao at sabihin sa kanilang linisin ang sarili nila ngayon at bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit.
11. Siguraduhing handa sila sa ikatlong araw, dahil sa araw na iyon, ako, ang Panginoon ay bababa sa Bundok ng Sinai na kitang-kita ng mga tao.
12. Maglagay ka ng tanda sa paligid ng bundok kung hanggang saan lamang tatayo ang mga tao. Sabihin mo sa kanila na huwag silang aakyat o lalapit sa bundok. Ang sinumang lalapit sa bundok ay papatayin,
13. tao man o hayop. Kung gagawin niya ito, babatuhin siya o kaya naman ay papanain; walang kamay na hihipo sa kanya. Makakaakyat lang ang mga tao sa bundok kapag pinatunog na nang matagal ang tambuli.”