Exodus 16:4-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makinig ka! Magpapaulan ako ng pagkain mula sa langit para sa inyo. Bawat araw, mangunguha ang mga Israelita ng pagkain nila para sa araw na iyon. Sa ganitong paraan, masusubok ko kung susundin nila ang mga utos ko.

5. Sabihin mo sa kanila na doblehin nila ang kukunin nilang pagkain tuwing ikaanim na araw ng bawat linggo.”

6. Kaya sinabi nila Moises at Aaron sa lahat ng mga Israelita, “Ngayong gabi, malalaman ninyo na ang Panginoon ang naglabas sa inyo sa Egipto,

7. at bukas ng umaga, makikita ninyo ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. Sapagkat narinig niya ang mga reklamo ninyo. Sino ba kami para sa amin kayo magreklamo?”

8. Sinabi pa ni Moises, “Bibigyan kayo ng Panginoon ng karne na kakainin ninyo sa gabi at bubusugin niya kayo ng tinapay sa umaga, dahil narinig niya ang pagrereklamo ninyo sa kanya. Hindi kayo nagrereklamo sa amin kundi sa Panginoon. Sino ba kami para sa amin kayo magreklamo?”

9. Sinabi nina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa buong mamamayan ng Israel na lumapit sila sa presensya ng Panginoon dahil narinig niya ang pagrereklamo ninyo.”

10. Habang nagsasalita si Aaron sa buong mamamayan ng Israel, tumingin sila sa ilang at nakita nila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ulap.

11. Sinabi ng Panginoon kay Moises,

12. “Narinig ko ang mga pagrereklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanilang gabi-gabi silang kakain ng karne at araw-araw silang magpapakabusog sa tinapay. At malalaman ninyong ako ang Panginoon na inyong Dios.”

13. Nang dapit-hapon ding iyon, dumagsa ang mga pugo at napuno nito ang buong kampo. Kinaumagahan, basa ng hamog ang buong kampo.

14. Nang mawala ang hamog, may nakita silang maliliit na bagay sa lupa na puting-puti.

15. Hindi nila alam kung ano ito kaya nagtanungan sila, “Ano kaya iyan?” Sinabi ni Moises sa kanila, “Iyan ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo para kainin.

16. Sinabi ng Panginoon na ang bawat isa sa inyoʼy mag-ipon nito ayon sa inyong pangangailangan; mga isang salop bawat tao.”

17. Kaya nanguha ang mga Israelita ng mga pagkaing ito; marami ang kinuha ng iba habang ang iba naman ay kaunti lang.

18. Nang takalin nila ito, isang salop ang nakuha ng bawat tao. Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra, at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang. Tamang-tama lang ang nakuha ng bawat isa.

19. Sinabi ni Moises sa kanila, “Walang magtitira nito para sa susunod na araw.”

20. Pero ang iba sa kanilaʼy hindi nakinig kay Moises, nagtira sila para sa susunod na araw. Pero inuod ito at bumaho. Kaya nagalit si Moises sa kanila.

21. Tuwing umaga, nangunguha ang bawat isa ayon sa kanyang kailangan. At kapag uminit na, natutunaw ang pagkaing hindi nila nakukuha.

22. Sa ikaanim na araw, doble ang kanilang kinukuha – mga dalawang salop bawat tao. Kaya pumunta ang mga pinuno ng mamamayan ng Israel kay Moises at nagtanong kung bakit doble.

23. Sinabi ni Moises sa kanila, “Iniutos ng Panginoon na magpahinga kayo bukas dahil Araw ng Pamamahinga, na banal na araw para sa Panginoon. Kaya lutuin ninyo ang gusto ninyong lutuin, at ilaga ang gusto ninyong ilaga. Ang matitira ay ilaan para bukas.”

Exodus 16