1. Umawit si Moises at ang mga Israelita ng awit sa Panginoon:“Aawitan ko ang Panginoon dahil lubos siyang nagtagumpay.Itinapon niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito.
2. Ang Panginoon ang nagbibigay sa akin ng lakas,at siya ang aking awit.Siya ang nagligtas sa akin.Siya ang aking Dios, at pupurihin ko siya.Siya ang Dios ng aking ama, at itataas ko siya.
3. Panginoon ang kanyang pangalan, isa siyang mandirigma.
4. Itinapon niya sa dagat ang mga karwahe at mga sundalo ng Faraon.Nalunod ang pinakamagagaling na opisyal ng Faraon sa Dagat na Pula.
5. Nalunod sila sa malalim na tubig;lumubog sila sa kailaliman katulad ng isang bato.
6. “Dakila ang kapangyarihan nʼyo, O Panginoon;sa pamamagitan nito, dinurog nʼyo ang inyong mga kaaway.
7. Sa inyong kapangyarihan, ibinagsak nʼyo ang mga kumakalaban sa inyo.Ipinadama nʼyo sa kanila ang inyong galit na siyang tumupok sa kanila na parang dayami.
8. Sa isang ihip nʼyo lang, nahati ang tubig.Ang dumadaluyong na tubig ay nahati at tumayo na parang pader;natuyo ang malalim na dagat.
9. Sinabi ng nagyayabang na kaaway,‘Hahabulin ko sila at huhulihin;paghahati-hatiin ko ang kanilang mga kayamanan at bubusugin ko nito ang aking sarili.Bubunutin ko ang aking espada at lilipulin sila.’
10. Pero sa isang ihip nʼyo lang, nalunod sila sa dagat.Lumubog sila sa kailaliman kagaya ng tingga.
11. O Panginoon, sino po ba ang dios na katulad nʼyo?Wala kayong katulad sa kabanalan at kapangyarihan.Kayo lang po ang Dios na gumagawa ng mga kamangha-manghang bagay!
12. Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.