Exodus 14:1-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Sinabi ng Panginoon kay Moises,

2. “Sabihin mo sa mga Israelita na bumalik sila malapit sa Pi Hahirot, sa gitna ng Migdol at Dagat na Pula, at magkampo sila roon sa tabi ng dagat, sa harap ng Baal Zefon.

3. Iisipin ng Faraon na nagkaligaw-ligaw kayo at hindi na makalabas ng disyerto.

4. At patitigasin ko ang kanyang puso at hahabulin niya kayo. Pero papatayin ko siya at ang kanyang mga sundalo. Sa pamamagitan nitoʼy mapaparangalan ako, at malalaman ng mga Egipcio na ako ang Panginoon.” Kaya ginawa ito ng mga Israelita.

5. Nang mabalitaan ng hari ng Egipto na tumakas ang mga Israelita, nagbago ang isip niya at ang lahat ng opisyal tungkol sa pag-alis ng mga Israelita. Sinabi nila, “Ano ba ang ginawa natin? Bakit natin pinaalis ang mga Israelita? Ngayon, wala na tayong mga alipin.”

6. Kaya inihanda ng Faraon ang karwahe niya at ang kanyang mga sundalo.

7. Dinala niya ang 600 na pinakamahuhusay na karwahe ng Egipto at ang iba pang mga karwahe. Bawat isaʼy pinamamahalaan ng opisyal.

8. Pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon na hari ng Egipto, kaya hinabol niya ang mga Israelita na naglalakbay na buo ang loob.

9. Ang mga Egipcio na sumama sa paghabol ay ang mga sundalo ng hari, kasama ang mga mangangabayo niya sakay ng kanilang mga kabayo at karwahe. Naabutan nila ang mga Israelita sa pinagkakampuhan nila sa tabi ng Dagat na Pula malapit sa Pi Hahirot, sa harap ng Baal Zefon.

10. Nang papalapit na ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, nakita sila ng mga Israelita. Kaya lubha silang natakot at humingi ng tulong sa Panginoon.

11. Sinabi nila kay Moises, “Bakit dito mo pa kami dinala sa disyerto para mamatay? Wala bang libingan doon sa Egipto? Bakit mo pa kami pinalabas sa Egipto?

12. Hindi baʼt sinabi namin sa iyo sa Egipto na pabayaan mo na lang kaming magpaalipin sa mga Egipcio? Mas mabuti pang nanilbihan na lang kami sa mga Egipcio kaysa sa mamatay dito sa disyerto!”

13. Sumagot si Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot. Magpakatatag kayo at makikita ninyo ang pagliligtas ng Panginoon sa inyo sa araw na ito. Ang mga Egipciong nakikita ninyo ngayon ay hindi na ninyo makikita pang muli.

14. Ang Panginoon ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa.”

15. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit patuloy ka pa ring humihingi ng tulong sa akin? Sabihin mo sa mga Israelita na magpatuloy sila sa paglalakbay.

16. Pagkatapos, itaas mo ang iyong baston sa dagat para mahati ang tubig at makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa.

17. Patitigasin ko ang puso ng mga Egipcio para habulin nila kayo. Pero lilipulin ko ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, mangangabayo at mga karwahe. Sa pamamagitan nito, mapaparangalan ako.

18. At kapag nalipol ko na sila, malalaman ng mga Egipcio na ako ang Panginoon.”

Exodus 14