22. Patuluin ninyo ang dugo nito sa mangkok. Pagkatapos, kumuha kayo ng mga sanga ng isopo at isawsaw ito sa dugo, at ipahid sa ibabaw at gilid ng hamba ng pintuan ninyo. At walang lalabas sa mga bahay ninyo hanggang umaga.
23. Dahil dadaan ang Panginoon sa Egipto para patayin ang mga panganay na lalaki ng mga Egipcio. Pero kapag nakita ng Panginoon ang dugo sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ninyo, lalampasan lang niya ang mga bahay ninyo at hindi niya papayagan ang Mamumuksa na pumasok sa mga bahay ninyo at patayin ang inyong mga panganay na lalaki.
24. “Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin at ng inyong mga salinlahi magpakailanman.
25. Ipagpatuloy pa rin ninyo ang seremonyang ito kapag nakapasok na kayo sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyo.
26. Kapag nagtanong ang mga anak ninyo kung ano ang ibig sabihin ng seremonyang ito,
27. ito ang isasagot ninyo: Pista ito ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, dahil nilampasan lang niya ang mga bahay ng mga Israelita sa Egipto nang patayin niya ang mga Egipcio.” Pagkatapos magsalita ni Moises, yumukod ang mga Israelita at sumamba sa Panginoon.
28. At sinunod nila ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron.
29. Nang hatinggabing iyon, pinatay ng Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto mula sa panganay ng Faraon, na tagapagmana ng kanyang trono, hanggang sa panganay ng mga bilanggo na nasa bilangguan. Pinatay din niya ang lahat ng panganay ng hayop.
30. Nang gabing iyon, nagising ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng Egipcio. At narinig ang matinding iyakan sa Egipto, dahil walang bahay na hindi namatayan.
31. Nang gabi ring iyon, ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron at sinabi, “Umalis na kayo! Lisanin na ninyo ang aking bansa. Umalis na kayo at sumamba sa Panginoon, gaya ng ipinapakiusap ninyo.
32. Dalhin ninyo ang mga hayop ninyo, gaya rin ng pakiusap ninyo at umalis kayo. Pero ipanalangin ninyo na kaawaan ako ng inyong Dios.”
33. Pinagmadali ng mga Egipcio ang mga Israelita na umalis sa kanilang bansa, dahil sabi nila, “Kung hindi kayo aalis, mamamatay kaming lahat!”
34. Kaya dinala ng mga Israelita ang mga minasa nilang harina na walang pampaalsa na nakalagay sa lalagyan. Ibinalot nila ito sa mga damit nila at pinasan.