Exodus 10:12-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

12. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong baston sa Egipto para dumating ang mga balang, at kainin ng mga ito ang mga naiwang pananim na hindi nasira nang umulan ng yelo.”

13. Kaya itinaas ni Moises ang kanyang baston, at nagpadala ang Panginoon ng hangin mula sa silangan buong araw at gabi. Kinaumagahan, nagdala ang hangin ng napakaraming balang

14. at dumagsa ito sa buong Egipto. Hindi pa kailanman nagkaroon ng pagsalakay ng mga balang tulad nito sa buong Egipto at hindi na magkakaroon pang muli.

15. Dumagsa ang mga ito sa buong Egipto hanggang sa mangitim ang lupa. Kinain ang mga naiwang pananim na hindi nasira ng mga yelo, pati ang lahat ng bunga ng mga puno. Walang naiwang pananim sa buong Egipto.

16. Agad na ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Nagkasala ako sa Panginoon na inyong Dios at sa inyo.

17. Patawarin nʼyo akong muli, at manalangin kayo sa Panginoon inyong Dios na tanggalin niya sa akin ang nakakamatay na salot na ito.”

18. Umalis si Moises at nanalangin sa Panginoon.

19. Sumagot ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng malakas na hangin galing sa kanluran, at inilipad nito ang mga balang sa Dagat na Pula. At wala ni isang balang na naiwan sa Egipto.

20. Pero pinatigas pa rin ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya pinaalis ang mga Israelita.

21. Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong kamay sa langit para mabalot ng kadiliman ang buong Egipto.”

22. Kaya itinaas ni Moises ang kamay niya sa langit, at nagdilim sa buong Egipto sa loob ng tatlong araw.

23. Walang lumabas na mga Egipcio sa kani-kanilang bahay dahil hindi nila makita ang isaʼt isa. Pero may liwanag sa lugar na tinitirhan ng lahat ng mga Israelita.

24. Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Sige, sumamba na kayo sa Panginoon. Dalhin ninyo pati na ang inyong pamilya, pero iwan ninyo ang mga hayop.”

25. Pero sumagot si Moises, “Kailangan naming dalhin ang mga hayop namin para makapag-alay kami ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon naming Dios.

Exodus 10