Ester 9:2-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. Nang araw na iyon, nagtipon ang mga Judio sa kani-kanilang mga lungsod at probinsya na sakop ni Haring Ahasuerus para patayin ang sinumang mangahas na sumalakay sa kanila. Pero wala namang nangahas dahil takot sa kanila ang mga tao.

3. Tinulungan pa sila ng mga pinuno ng mga probinsya, ng mga gobernador, at ng iba pang lingkod ng hari sa bawat lugar dahil natatakot din sila kay Mordecai.

4. Sapagkat makapangyarihan na si Mordecai sa palasyo ng hari at tanyag na sa buong kaharian. At lalo pang nadadagdagan ang kanyang kapangyarihan.

5. Pinatay ng mga Judio ang lahat ng kalaban nila nang araw na iyon sa pamamagitan ng espada. Ginawa nila ang gusto nila sa lahat ng nagagalit sa kanila.

6. Sa lungsod lang ng Susa, 500 na lalaki ang napatay nila.

7. Pinatay din nila sina Parshandata, Dalfon, Aspata,

8. Porata, Adalia, Aridata,

9. Parmasta, Arisai, Aridai at Vaizata

10. na mga anak ni Haman na kalaban ng mga Judio at anak ni Hamedata. Pero hindi sinamsam ng mga Judio ang mga ari-arian ng mga kalaban nila.

11. Nang araw ding iyon, napag-alaman ng hari ang dami ng mga pinatay sa lungsod ng Susa.

12. Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa pa lang 500 na lalaki ang pinatay ng mga Judio, at pinatay din nila ang sampung anak ni Haman. Ano kaya ang nangyari sa ibang lungsod at probinsya? Ano pa ngayon ang gusto mong hilingin at ibibigay ko sa iyo.”

13. Sinabi ni Ester, “Mahal na Hari, kung gusto po ninyo, payagan ninyong ipagtanggol pa ng mga Judio rito sa Susa ang kanilang sarili hanggang bukas, tulad ng ginagawa nila ngayon. At ituhog sa nakatayong kahoy ang mga bangkay ng sampung anak ni Haman.”

14. Kaya nag-utos ang hari na gawin ang kahilingan ni Ester. Ipinaalam sa mga taga-Susa ang utos ng hari at ibinigay ang mga bangkay ng sampung anak ni Haman.

Ester 9