18. Pero sa Susa, patuloy pa ang pagpatay ng mga Judio sa kanilang mga kalaban. At nang ika-15 araw ng buwan ng Adar, nagpahinga sila at nagdiwang ng pista.
19. Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judiong nasa probinsya ay nagdiriwang ng pista sa ika-14 na araw ng buwan ng Adar. Sa araw na iyon, nagbibigayan sila ng mga regalo.
20. Isinulat ni Mordecai ang lahat ng nangyari, at nagpadala siya ng sulat sa lahat ng Judio sa malalayo at sa malalapit na probinsyang nasasakupan ni Haring Ahasuerus.
21. Sa sulat na ito, sinabi ni Mordecai sa mga Judio na dapat alalahanin nila at ipagdiwang ang ika-14 at ika-15 araw ng buwan ng Adar.
22. Itoʼy para alalahanin ang araw na nakaligtas sila sa mga kalaban, na ang kalungkutan nila ay naging kaligayahan at ang kanilang iyakan ay naging kasayahan. Kaya sinabi sa kanila ni Mordecai sa sulat na dapat magdiwang sila ng pista, magsaya sa araw na iyon, at magbigayan ng mga regalo sa isaʼt isa at sa mahihirap.
23. Sinunod ng mga Judio ang utos ni Mordecai, na patuloy nilang ipagdiwang ang pistang iyon sa bawat taon.
24. Si Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na kalaban ng mga Judio ay nagplanong patayin ang lahat ng Judio. Nagpalabunutan sila para malaman kung kailan isasagawa ang pagpatay. Ang uri ng palabunutan na ginamit ay tinatawag na “Pur”.
25. Pero nang malaman ng hari ang planong ito sa pamamagitan ni Reyna Ester, nagpasulat ang hari ng isang utos na ang masamang plano ni Haman laban sa mga Judio ay gawin kay Haman at sa mga anak nitong lalaki. At iyon nga ang nangyari.
26. Ito ang dahilan kaya tinawag ang pistang iyon na Purim, na mula sa salitang “pur”, na ang ibig sabihin ay palabunutan. At dahil sa sulat ni Mordecai at ayon sa karanasan nila,
27. nagkasundo ang mga Judio na ipagdiwang nila ang dalawang araw na iyon taun-taon katulad ng sinabi ni Mordecai, at napagpasyahan din nilang ipagdiwang ito ng kanilang angkan at ng lahat ng naging Judio.
28. Ang dalawang araw na ito ay aalalahanin at ipagdiriwang ng bawat sambahayan ng Judio sa bawat salinlahi nila, sa lahat ng lungsod at probinsya. Hindi ito dapat kalimutan o itigil ng alin mang lahi.
29. Para lalong mapagtibay ang sulat ni Mordecai tungkol sa Pista ng Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Abihail patungkol dito. Kasama rin niya si Mordecai sa pagsulat nito.
30. At ipinadala iyon ni Mordecai sa 127 probinsya na sakop ng kaharian ni Haring Ahasuerus. Ang sulat ay nagdulot ng kapayapaan at katiwasayan sa mga Judio,
31. at itinalaga na ipagdiwang ang Pista ng Purim sa takdang panahon, ayon sa iniutos ni Mordecai at ni Reyna Ester. Dapat nila itong sundin katulad ng pagsunod ng lahi nila sa mga tuntunin tungkol sa pag-aayuno at pagdadalamhati.