11. Pagkatapos, ipinasundo niya si Reyna Vasti. Ipinasabi niyang isuot ng reyna ang kanyang korona para ipakita ang kagandahan niya sa mga pinuno at mga panauhin, dahil talagang maganda ito.
12. Pero nang masabi ng mga lingkod sa reyna ang gusto ng hari, sinabi nitong ayaw niyang pumunta roon. Kaya nagalit ang hari sa kanya.
13. Nakaugalian na noon ng hari na humingi ng payo sa mga pantas na siyang nakakaalam ng mga batas at kaugalian ng kaharian.
14. Ang palagi niyang hinihingan ng payo ay sina Carshena, Shetar, Admata, Tarshish, Meres, Marsena at Memucan. Sila ang pitong pinakamataas na pinuno sa kaharian ng Persia at Media, at malapit sila sa hari.
15. Nagtanong ang hari sa kanila, “Ayon sa batas ng kaharian ng Persia, ano ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil hindi siya sumunod sa utos ko sa pamamagitan ng aking mga lingkod?”
16. Sumagot si Memucan, “Mahal na Hari, nagkasala po si Reyna Vasti hindi lang sa inyo, kundi pati na rin sa mga pinuno ng kaharian ng Persia at Media at sa mga mamamayan ng buong kaharian.
17. Ang ginawa ni Reyna Vasti ay tiyak na malalaman ng lahat ng kababaihan sa buong kaharian at gagayahin din nila iyon. Hindi rin sila magsisisunod sa asawa nila. Dahil mangangatwiran sila na si Reyna Vasti nga ay hindi sumunod noong pinapapunta siya ng hari roon sa kanya.
18. Kaya simula ngayon, maaaring ito rin ang gawin ng mga asawa ng mga pinuno ng Persia at Media, na makakabalita sa ginawa ng reyna. Kaya ang mangyayari, hindi na igagalang ng mga asawang babae ang kanilang mga asawang lalaki, at magagalit ang mga ito sa kanila.