16. Huwag ninyong sayangin ang panahon nʼyo; gamitin nʼyo ito sa paggawa ng mabuti, dahil maraming gumagawa ng kasamaan sa panahong ito.
17. Huwag kayong magpakamangmang kundi alamin nʼyo kung ano ang kalooban ng Panginoon na gawin ninyo.
18. Huwag kayong maglalasing dahil nakakasira ito ng maayos na pamumuhay. Sa halip, hayaan ninyong mapuspos kayo ng Banal na Espiritu.
19. Sa pagtitipon nʼyo, umawit kayo ng mga salmo, himno, at ng iba pang mga awiting espiritwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon.
20. Lagi kayong magpasalamat sa Dios Ama sa lahat ng bagay bilang mananampalataya ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
21. Magpasakop kayo sa isaʼt isa bilang paggalang kay Cristo.
22. Mga babae, magpasakop kayo sa inyong asawa gaya nang pagpapasakop nʼyo sa Panginoon.
23. Sapagkat ang lalaki ang siyang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na ulo ng iglesya na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.
24. Kaya kung paanong nagpapasakop ang iglesya kay Cristo, dapat ding magpasakop ang mga babae sa asawa nila sa lahat ng bagay.
25. Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, tulad ng pagmamahal ni Cristo sa kanyang iglesya. Inihandog niya ang kanyang sarili para sa iglesya
26. upang maging banal ito matapos linisin sa pamamagitan ng bautismo sa tubig at ng salita ng Dios.
27. Ginawa niya ito para maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, banal, walang kapintasan, at walang anumang bahid o dungis.