7. “Alalahanin ninyo kung paano ninyo ginalit ang Panginoon na inyong Dios sa disyerto. Mula nang araw na lumabas kayo sa Egipto hanggang ngayon, palagi na lang kayong nagrerebelde sa Panginoon.
8. Kahit doon sa Bundok ng Sinai, ginalit ninyo ang Panginoon, kaya gusto na lang niya kayong patayin.
9. Nang umakyat ako sa bundok para kunin ang malalapad na bato, kung saan nakasulat ang kasunduan ng Panginoon na kanyang ginawa sa inyo, nanatili ako roon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na walang kinakain at iniinom.
10. Ibinigay ng Panginoon sa akin ang dalawang malalapad na bato, na siya mismo ang sumulat ng mga utos na sinabi niya sa inyo na mula sa apoy doon sa Bundok ng Sinai habang nagtitipon kayo.
11. “Pagkatapos ng 40 araw at 40 gabi, ibinigay ng Panginoon sa akin ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang kautusan.
12. At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Bumaba ka agad dahil ang mga mamamayan na pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto ay naging masama na. Napakadali nilang tumalikod sa mga tuntunin na iniutos ko sa kanila at gumawa sila ng mga dios-diosan para sambahin nila.’
13. “At sinabi pa ng Panginoon sa akin, ‘Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga mamamayang ito.
14. Pabayaan mo akong puksain sila para hindi na sila maalala pa. Pagkatapos, gagawin kita at ang iyong salinlahi na isang bansa na mas makapangyarihan at mas marami pa kaysa sa kanila.’
15. “Kaya bumaba ako mula sa naglalagablab na bundok, dala ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang tuntunin ng kasunduan.
16. At nakita ko ang pagkakasala nʼyo sa Panginoon na inyong Dios. Gumawa kayo ng dios-diosang guya. Napakadali ninyong tumalikod sa mga iniutos ng Panginoon sa inyo.
17. Kaya sa harapan ninyo, ibinagsak ko ang dalawang malalapad na bato at nabiyak ang mga ito.
18. “Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na walang kinakain at iniinom, dahil sa lahat ng mga ginawa ninyong kasalanan. Masama ang ginawa ninyo sa paningin ng Panginoon at nakapagpapagalit ito sa kanya.
19. Natakot ako dahil sa matinding galit ng Panginoon sa inyo dahil baka patayin niya kayo. Ngunit pinakinggan pa rin ako ng Panginoon.
20. Matindi rin ang galit ng Panginoon noon kay Aaron at gusto rin siyang patayin ng Panginoon, pero nanalangin din ako nang panahong iyon para sa kanya.