Deuteronomio 9:2-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. Malalakas at matatangkad ang mga naninirahan dito – mga angkan ni Anak! Alam naman ninyo ang tungkol sa mga angkan ni Anak at narinig ninyo na walang makalaban sa kanila.

3. Ngunit ngayon, makikita ninyo na ang Panginoon na inyong Dios ang mangunguna sa inyo na parang apoy na lumalamon sa inyong mga kaaway. Tatalunin niya sila para madali ninyo silang maitaboy at malipol ayon sa ipinangako ng Panginoon sa inyo.

4. “Kapag naitaboy na sila ng Panginoon na inyong Dios sa inyong harapan, huwag ninyong sasabihin sa inyong mga sarili, ‘Dinala tayo ng Panginoon para angkinin ang lupaing ito dahil matuwid tayo.’ Hindi, palalayasin sila ng Panginoon dahil masama silang bansa.

5. Mapapasainyo ang kanilang lupain hindi dahil matuwid kayo o mabuti kayong mga tao kundi dahil masama sila, at para matupad ng Panginoon ang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob.

6. Alalahanin ninyo na hindi dahil matuwid kayo kaya ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios ang magandang lupaing ito. Ang totoo, matitigas ang inyong ulo.

7. “Alalahanin ninyo kung paano ninyo ginalit ang Panginoon na inyong Dios sa disyerto. Mula nang araw na lumabas kayo sa Egipto hanggang ngayon, palagi na lang kayong nagrerebelde sa Panginoon.

8. Kahit doon sa Bundok ng Sinai, ginalit ninyo ang Panginoon, kaya gusto na lang niya kayong patayin.

9. Nang umakyat ako sa bundok para kunin ang malalapad na bato, kung saan nakasulat ang kasunduan ng Panginoon na kanyang ginawa sa inyo, nanatili ako roon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na walang kinakain at iniinom.

10. Ibinigay ng Panginoon sa akin ang dalawang malalapad na bato, na siya mismo ang sumulat ng mga utos na sinabi niya sa inyo na mula sa apoy doon sa Bundok ng Sinai habang nagtitipon kayo.

11. “Pagkatapos ng 40 araw at 40 gabi, ibinigay ng Panginoon sa akin ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang kautusan.

12. At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Bumaba ka agad dahil ang mga mamamayan na pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto ay naging masama na. Napakadali nilang tumalikod sa mga tuntunin na iniutos ko sa kanila at gumawa sila ng mga dios-diosan para sambahin nila.’

13. “At sinabi pa ng Panginoon sa akin, ‘Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga mamamayang ito.

14. Pabayaan mo akong puksain sila para hindi na sila maalala pa. Pagkatapos, gagawin kita at ang iyong salinlahi na isang bansa na mas makapangyarihan at mas marami pa kaysa sa kanila.’

15. “Kaya bumaba ako mula sa naglalagablab na bundok, dala ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang tuntunin ng kasunduan.

16. At nakita ko ang pagkakasala nʼyo sa Panginoon na inyong Dios. Gumawa kayo ng dios-diosang guya. Napakadali ninyong tumalikod sa mga iniutos ng Panginoon sa inyo.

17. Kaya sa harapan ninyo, ibinagsak ko ang dalawang malalapad na bato at nabiyak ang mga ito.

18. “Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na walang kinakain at iniinom, dahil sa lahat ng mga ginawa ninyong kasalanan. Masama ang ginawa ninyo sa paningin ng Panginoon at nakapagpapagalit ito sa kanya.

Deuteronomio 9