15. “Kaya bumaba ako mula sa naglalagablab na bundok, dala ang dalawang malalapad na bato kung saan nakasulat ang tuntunin ng kasunduan.
16. At nakita ko ang pagkakasala nʼyo sa Panginoon na inyong Dios. Gumawa kayo ng dios-diosang guya. Napakadali ninyong tumalikod sa mga iniutos ng Panginoon sa inyo.
17. Kaya sa harapan ninyo, ibinagsak ko ang dalawang malalapad na bato at nabiyak ang mga ito.
18. “Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi na walang kinakain at iniinom, dahil sa lahat ng mga ginawa ninyong kasalanan. Masama ang ginawa ninyo sa paningin ng Panginoon at nakapagpapagalit ito sa kanya.
19. Natakot ako dahil sa matinding galit ng Panginoon sa inyo dahil baka patayin niya kayo. Ngunit pinakinggan pa rin ako ng Panginoon.
20. Matindi rin ang galit ng Panginoon noon kay Aaron at gusto rin siyang patayin ng Panginoon, pero nanalangin din ako nang panahong iyon para sa kanya.
21. Pagkatapos, kinuha ko ang bakang ginawa ninyo, na nagtulak sa inyo sa kasalanan, at tinunaw ko ito sa apoy. Dinurog ko ito na kasingpino ng alikabok at isinabog sa sapa na umaagos mula sa bundok.
22. “Ginalit din ninyo ang Panginoon doon sa Tabera, sa Masa at sa Kibrot Hataava.
23. “Nang pinalakad kayo ng Panginoon mula sa Kadesh Barnea, sinabi niya sa inyo, ‘Lumakad kayo at angkinin na ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyo.’ Ngunit nagrebelde kayo, hindi ninyo sinunod ang utos ng Panginoon na inyong Dios. Hindi kayo nagtiwala o sumunod sa kanya.
24. Mula nang makilala ko kayo, puro na lang pagrerebelde ang ginagawa ninyo.
25. “Iyan ang dahilan kung bakit ako nagpatirapa sa harapan ng Panginoon sa loob ng 40 araw at 40 gabi dahil sinabi ng Panginoon na pupuksain niya kayo.
26. Nanalangin ako sa Panginoon, ‘O Panginoong Dios, huwag po ninyong puksain ang sarili ninyong mamamayan. Iniligtas po ninyo sila at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
27. Huwag na ninyong pansinin ang katigasan ng ulo, ang kasamaan at ang mga kasalanan ng mga mamamayang ito, kundi alalahanin ninyo ang inyong mga lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob.
28. Kung lilipulin nʼyo sila, sasabihin ng mga Egipcio, “Nilipol sila dahil hindi sila kayang dalhin ng Panginoon sa lupaing ipinangako niya sa kanila.” O sasabihin nila, “Pinatay sila ng Panginoon dahil galit siya sa kanila; inilabas niya sila sa Egipto at dinala sa disyerto para patayin.”