4. Sa loob ng 40 taon, hindi naluma ang mga damit ninyo at hindi namaga ang mga paa ninyo sa paglalakbay.
5. Dapat ninyong maisip na gaya ng pagdidisiplina ng ama sa kanyang anak, ang Panginoon na inyong Dios ay dumidisiplina rin sa inyo.
6. “Kaya sundin ninyo ang mga utos ng Panginoon na inyong Dios. Mamuhay kayo ayon sa kanyang pamamaraan at igalang ninyo siya.
7. Sapagkat dadalhin kayo ng Panginoon na inyong Dios sa magandang lupain, na may mga sapa at mga bukal na umaagos sa mga lambak at mga kaburulan.
8. Ang lupaing ito ay may mga trigo, sebada, ubas, igos, pomegranata, olibo at pulot.
9. Hindi kayo mawawalan ng pagkain sa lupaing ito at hindi kayo kukulangin ng anuman. Makakakuha kayo ng bakal sa mga bato nito, at makakahukay kayo ng tanso sa mga kabundukan.
10. Kapag nakakain na kayo at nangabusog, purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios dahil sa magandang lupaing ibinigay niya sa inyo.
11. “Ingatan ninyong huwag makalimutan ang Panginoon na inyong Dios at huwag ninyong susuwayin ang kanyang mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo sa araw na ito.
12. Kapag nakakain na kayo at nangabusog, at kapag nakapagpatayo na kayo ng maaayos na matitirhan,
13. at dumami na ang inyong mga hayop, pilak, ginto at mga ari-arian,
14. siguraduhin ninyong hindi kayo magyayabang at lilimot sa Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.
15. Ginabayan niya kayo sa malawak at nakakatakot na disyerto na may mga makamandag na ahas at mga alakdan. Walang tubig sa lugar na iyon pero binibigyan niya kayo ng tubig mula sa bato.