Deuteronomio 7:15-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Poprotektahan kayo ng Panginoon sa lahat ng karamdaman. Hindi niya kayo padadalhan ng nakapangingilabot na mga karamdaman na nakita ninyo sa Egipto, pero ipapadala niya ito sa lahat ng mga napopoot sa inyo.

16. Dapat ninyong patayin ang lahat ng tao na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Huwag ninyo silang kaaawaan, at huwag kayong maglilingkod sa kanilang mga dios dahil magiging bitag ito para sa inyo.

17. “Baka sabihin ninyo sa inyong mga sarili, ‘Mas makapangyarihan pa ang bansang ito kaysa sa atin. Paano ba natin sila maitataboy?’

18. Pero huwag kayong matatakot sa kanila, kundi alalahanin ninyong mabuti kung ano ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios sa Faraon at sa lahat ng Egipcio.

19. Nakita ninyo ang mga pagsubok, mga himala at kamangha-manghang bagay, at ang dakilang kapangyarihang ipinakita ng Panginoon na inyong Dios nang ilabas niya kayo. Katulad din nito ang gagawin ng Panginoon na inyong Dios sa lahat ng taong kinatatakutan ninyo.

20. At ngayon, padadalhan sila ng Panginoon na inyong Dios ng mga putakti hanggang sa malipol kahit pa ang mga natitirang nagtatago.

21. Huwag kayong matakot sa kanila dahil kasama ninyo ang Panginoon na inyong Dios; ang makapangyarihan at kamangha-manghang Dios.

22. Unti-unting palalayasin ng Panginoon na inyong Dios sa inyong harapan ang mga bansang iyon. Huwag ninyo silang paalisin agad, dahil kung gagawin ninyo iyon, dadami ang mababangis na hayop.

23. Pero ibibigay sila ng Panginoon na inyong Dios sa inyo. Magkakagulo sila hanggang sa malipol silang lahat.

24. Ibibigay niya sa inyo ang kanilang mga hari. Papatayin ninyo sila, at hindi na sila maaalala pa. Wala ni isa man sa kanila na makakatalo sa inyo, at papatayin ninyo silang lahat.

25. Sunugin ninyo ang mga imahen na dios-diosan nila, at huwag ninyong hahangarin ang mga ginto at pilak nito. Huwag na huwag ninyo itong kukunin dahil magiging bitag ito sa inyo, at kasuklam-suklam ito sa Panginoon na inyong Dios.

26. Huwag kayong magdadala sa mga bahay ninyo ng anumang kasuklam-suklam na bagay, para hindi kayo malipol kasama ng mga bagay na iyon. Kamuhian ninyo ito, dahil itong mga bagay ay dapat wasakin ng lubusan.

Deuteronomio 7