2. Gumawa sa atin ng kasunduan ang Panginoon na ating Dios sa Bundok ng Sinai.
3. Hindi niya ito ginawa sa ating mga ninuno kundi sa ating lahat na nabubuhay ngayon.
4. At doon sa bundok nagsalita ang Panginoon sa inyo mula sa apoy na parang magkaharap lang kayo.
5. Nakatayo ako sa pagitan ninyo at ng Panginoon nang oras na iyon para sabihin sa inyo ang mensahe ng Panginoon, dahil natatakot kayo sa apoy at ayaw ninyong umakyat sa bundok. Sinabi ng Panginoon,
6. “ ‘Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.
7. “ ‘Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios maliban sa akin.
8. “ ‘Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan na anyo ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig.
9. Huwag ninyo itong paglilingkuran o sasambahin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Pinaparusahan ko ang mga nagkakasala sa akin, pati na ang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin.
10. Pero ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa napakaraming henerasyon na nagmamahal sa akin at sumusunod sa mga utos ko.
11. “ ‘Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan.
12. “ ‘Sundin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios, ayon sa iniutos ko sa inyo.