11. “ ‘Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan.
12. “ ‘Sundin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios, ayon sa iniutos ko sa inyo.
13. Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw,
14. pero ang ikapitong araw, ang Araw ng Pamamahinga ay ilaan ninyo para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na ito pati ang inyong mga anak, mga alipin, mga baka, mga asno at iba pang mga hayop, o ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. Sa ganitong paraan ay makakapagpahinga ring katulad ninyo ang inyong mga alipin.
15. Alalahanin ninyo na mga alipin din kayo noon sa Egipto, at ako ang Panginoon na inyong Dios ang naglabas sa inyo roon sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan. Kaya ako, ang Panginoon na inyong Dios ay nag-uutos sa inyo na sundin ninyo ang Araw ng Pamamahinga.
16. “ ‘Igalang ninyo ang inyong amaʼt ina, ayon sa iniutos ko sa inyo para mabuhay kayo nang matagal at maging mabuti ang inyong kalagayan sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.
17. “ ‘Huwag kayong papatay.
18. “ ‘Huwag kayong mangangalunya.
19. “ ‘Huwag kayong magnanakaw.
20. “ ‘Huwag kayong sasaksi ng hindi totoo laban sa inyong kapwa.
21. “ ‘Huwag ninyong pagnanasahan ang asawa ng inyong kapwa o ang kanyang bahay, lupa, mga alipin, mga baka o mga asno, o alin mang pag-aari niya.’
22. “Iyan ang mga utos ng Panginoon sa inyong lahat na nagtipon sa bundok. Nang nagsalita siya nang malakas mula sa gitna ng apoy na napapalibutan ng makapal na ulap, ibinigay niya ang mga utos na ito at wala nang iba pang sinabi. Isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato at ibinigay sa akin.
23. “Nang marinig ninyo ang boses mula sa kadiliman habang naglalagablab ang bundok, lumapit sa akin ang lahat ng pinuno ng mga angkan at ang mga tagapamahala ninyo
24. at sinabi nila, ‘Ipinakita sa atin ng Panginoon na ating Dios ang kanyang kapangyarihan, at narinig natin ang kanyang boses mula sa apoy. Nakita natin sa araw na ito na maaaring mabuhay ang tao kahit nakipag-usap ang Panginoon sa kanya.