35. Ipinakita sa inyo ang mga bagay na ito para malaman ninyo na ang Panginoon ang Dios, at wala nang iba pa.
36. Ipinarinig niya sa inyo ang kanyang boses mula sa langit sa pagdisiplina sa inyo. Ipinakita niya sa inyo ang kanyang makapangyarihang apoy dito sa lupa para makipag-usap sa inyo mula sa apoy na ito.
37. At dahil sa minahal niya ang inyong mga ninuno, pinili niya kayo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang presensya at kapangyarihan.
38. Itinaboy niya ang mga bansang mas makapangyarihan pa sa inyo para madala kayo sa kanilang lupain, ibinigay niya ito sa inyo bilang inyong mana, katulad ng ginawa niya ngayon.
39. “Kaya kilalanin ninyo ang araw na ito at itanim sa inyong mga puso na ang Panginoon ay Dios sa langit at sa lupa, at wala nang iba pang dios.
40. Sundin ninyo ang kanyang mga utos at tuntunin na ibinigay ko sa inyo ngayon para walang masamang mangyari sa inyo at sa inyong salinlahi, upang mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ng Panginoon na inyong Dios magpakailanman.”
41. Pagkatapos, pumili si Moises ng tatlong lungsod sa silangan ng Jordan
42. para makatakas papunta roon ang taong nakapatay ng kanyang kapwa nang hindi sinasadya at hindi plinano. Makakatakas siya papunta sa mga lungsod na ito para hindi siya mapahamak.
43. Ito ang mga lungsod: Bezer na nasa disyerto sa talampas na sakop ng lahi ni Reuben; Ramot sa Gilead para sa lahi ni Gad; at Golan para sa lahi ni Manase.
44. Ibinigay ni Moises sa mga Israelita ang mga kautusan,
45. katuruan at tuntunin na ito nang lumabas sila sa Egipto
46. at habang nagkakampo sila sa lambak malapit sa Bet Peor sa silangan ng Jordan. Sakop noon ni Sihon na hari ng mga Amoreo ang lupaing ito, noong naghahari siya sa Heshbon. Siya at ang mga tauhan niya ang tinalo ni Moises at ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto.
47. Sinakop nila Moises ang lupain nito at ang lupain ni Haring Og ng Bashan. Sila ang dalawang Amoreo na mga hari sa silangan ng Jordan.