26. “Sa araw na ito, itinuturing kong saksi ang langit at lupa laban sa inyo. Kung hindi ninyo ako susundin, hindi kayo magtatagal sa lupain na inyong mamanahin sa kabila ng Jordan. Maninirahan kayo roon sa sandaling panahon lang, at pagkatapos ay malilipol kayo ng lubusan.
27. Pangangalatin kayo ng Panginoon sa ibang mga bansa, at kaunti lang ang matitira sa inyo roon sa mga bansa kung saan kayo itataboy ng Panginoon.
28. At doon na kayo sasamba sa mga dios na gawa sa kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, nakakakain o nakakaamoy.
29. Ngunit kung hahanapin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, makikita ninyo siya, kung hahanapin ninyo siya nang buong puso.
30. Kapag dumating ang kahirapan sa inyo, sa bandang huliʼy manunumbalik kayo sa Panginoon na inyong Dios at susundin ninyo siya.
31. Sapagkat maawain ang Panginoon na inyong Dios, hindi niya kayo pababayaan o lilipulin. Hindi niya kalilimutan ang kasunduang kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno.
32. “Alalahanin ninyo ang mga nangyari mula nang araw na nilikha ng Dios ang tao sa mundo hanggang ngayon. Libutin ninyo ang buong mundo kung may makikita kayong kamangha-manghang bagay na nangyari katulad ng mga ito.
33. Mayroon pa bang ibang tao na nabuhay pagkatapos nilang marinig ang boses ng Dios mula sa apoy, kagaya ninyo?
34. Mayroon pa bang ibang Dios na nangahas na kunin ang isang grupo ng mga mamamayan mula sa isang bansa para maging kanya sa pamamagitan ng mga pagsubok, himala, mga kamangha-manghang bagay, digmaan o mga makapangyarihang gawa? Pero iyan ang ginawa ng Panginoon na inyong Dios doon sa Egipto, at kayo mismo ang nakakita nito.
35. Ipinakita sa inyo ang mga bagay na ito para malaman ninyo na ang Panginoon ang Dios, at wala nang iba pa.
36. Ipinarinig niya sa inyo ang kanyang boses mula sa langit sa pagdisiplina sa inyo. Ipinakita niya sa inyo ang kanyang makapangyarihang apoy dito sa lupa para makipag-usap sa inyo mula sa apoy na ito.
37. At dahil sa minahal niya ang inyong mga ninuno, pinili niya kayo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang presensya at kapangyarihan.
38. Itinaboy niya ang mga bansang mas makapangyarihan pa sa inyo para madala kayo sa kanilang lupain, ibinigay niya ito sa inyo bilang inyong mana, katulad ng ginawa niya ngayon.
39. “Kaya kilalanin ninyo ang araw na ito at itanim sa inyong mga puso na ang Panginoon ay Dios sa langit at sa lupa, at wala nang iba pang dios.