15. “Nang nakipag-usap ang Panginoon sa inyo sa Bundok ng Sinai mula sa gitna ng apoy, wala kayong nakitang anyo ng Panginoon. Kaya bantayan ninyo ang inyong mga sarili
16. na hindi ninyo dudungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paggawa ng anumang anyo o imahen ng dios-diosan – lalaki man o babae,
17. hayop na lumalakad o lumilipad,
18. gumagapang o nakatira sa tubig.
19. Huwag kayong maakit sa pagsamba sa mga bagay na nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin. Ang mga ito ay inilagay ng Panginoon na inyong Dios para sa lahat ng mamamayan sa buong mundo.
20. Alalahanin ninyo na kinuha kayo ng Panginoon sa Egipto, ang lugar na katulad ng pugon na naglalagablab, para maging mamamayan niya, at ganyan kayo ngayon.
21. “Nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at isinumpa niya na hindi ako makakatawid sa Jordan at makakapasok sa magandang lupain na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana.
22. Mamamatay ako sa lupaing ito na hindi makakatawid sa Jordan, pero matatawid ninyo at masasakop ang masaganang lupaing iyon.
23. Ngunit mag-ingat kayo na hindi ninyo makalimutan ang kasunduang ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan sa anyo ng anumang bagay, dahil ipinagbabawal ito ng Panginoon na inyong Dios,
24. at ayaw na ayaw niyang may sinasamba kayong ibang dios. Parang apoy na nakakatupok kapag nagparusa ang Panginoon na inyong Dios.
25. “Sa bandang huli, kung magkakaanak kayo at magkakaapo, at naninirahan na sa lupaing iyon nang matagal na panahon, huwag ninyong dudumihan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga dios-diosan ng anumang anyo. Masama ito sa paningin ng Panginoon na inyong Dios at makakapagpagalit ito sa kanya.