Deuteronomio 4:11-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Pagkatapos, lumapit kayo sa akin at tumayo sa ibaba ng bundok habang naglalagablab ito na abot hanggang langit, na binalutan ng kadiliman dahil sa maitim na ulap.

12. Pagkatapos, nagsalita ang Panginoon mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang kanyang boses, pero wala kayong nakita.

13. Sinabi niya sa inyo ang mga bagay na gagawin ninyo sa pagtupad ng mga kasunduan niya sa inyo. Ito ay ang Sampung Utos na iniutos niyang sundin ninyo. At isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato.

14. Nang panahong iyon, inutusan ako ng Panginoon na ituro sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na susundin ninyo roon sa lupain na inyong aangkinin at titirhan.

15. “Nang nakipag-usap ang Panginoon sa inyo sa Bundok ng Sinai mula sa gitna ng apoy, wala kayong nakitang anyo ng Panginoon. Kaya bantayan ninyo ang inyong mga sarili

16. na hindi ninyo dudungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paggawa ng anumang anyo o imahen ng dios-diosan – lalaki man o babae,

17. hayop na lumalakad o lumilipad,

18. gumagapang o nakatira sa tubig.

19. Huwag kayong maakit sa pagsamba sa mga bagay na nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin. Ang mga ito ay inilagay ng Panginoon na inyong Dios para sa lahat ng mamamayan sa buong mundo.

20. Alalahanin ninyo na kinuha kayo ng Panginoon sa Egipto, ang lugar na katulad ng pugon na naglalagablab, para maging mamamayan niya, at ganyan kayo ngayon.

21. “Nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at isinumpa niya na hindi ako makakatawid sa Jordan at makakapasok sa magandang lupain na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana.

22. Mamamatay ako sa lupaing ito na hindi makakatawid sa Jordan, pero matatawid ninyo at masasakop ang masaganang lupaing iyon.

23. Ngunit mag-ingat kayo na hindi ninyo makalimutan ang kasunduang ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan sa anyo ng anumang bagay, dahil ipinagbabawal ito ng Panginoon na inyong Dios,

24. at ayaw na ayaw niyang may sinasamba kayong ibang dios. Parang apoy na nakakatupok kapag nagparusa ang Panginoon na inyong Dios.

25. “Sa bandang huli, kung magkakaanak kayo at magkakaapo, at naninirahan na sa lupaing iyon nang matagal na panahon, huwag ninyong dudumihan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga dios-diosan ng anumang anyo. Masama ito sa paningin ng Panginoon na inyong Dios at makakapagpagalit ito sa kanya.

26. “Sa araw na ito, itinuturing kong saksi ang langit at lupa laban sa inyo. Kung hindi ninyo ako susundin, hindi kayo magtatagal sa lupain na inyong mamanahin sa kabila ng Jordan. Maninirahan kayo roon sa sandaling panahon lang, at pagkatapos ay malilipol kayo ng lubusan.

27. Pangangalatin kayo ng Panginoon sa ibang mga bansa, at kaunti lang ang matitira sa inyo roon sa mga bansa kung saan kayo itataboy ng Panginoon.

28. At doon na kayo sasamba sa mga dios na gawa sa kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, nakakakain o nakakaamoy.

29. Ngunit kung hahanapin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, makikita ninyo siya, kung hahanapin ninyo siya nang buong puso.

30. Kapag dumating ang kahirapan sa inyo, sa bandang huliʼy manunumbalik kayo sa Panginoon na inyong Dios at susundin ninyo siya.

Deuteronomio 4