10. Alalahanin ninyo ang araw na tumayo kayo sa harap ng Panginoon na inyong Dios sa Bundok ng Sinai, kung saan sinabi niya sa akin, ‘Tipunin mo ang mga mamamayan sa aking presensya para makinig sa aking mga salita upang matuto silang gumalang sa akin habang nabubuhay pa sila, at para maituro nila ito sa kanilang mga anak.’
11. Pagkatapos, lumapit kayo sa akin at tumayo sa ibaba ng bundok habang naglalagablab ito na abot hanggang langit, na binalutan ng kadiliman dahil sa maitim na ulap.
12. Pagkatapos, nagsalita ang Panginoon mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang kanyang boses, pero wala kayong nakita.
13. Sinabi niya sa inyo ang mga bagay na gagawin ninyo sa pagtupad ng mga kasunduan niya sa inyo. Ito ay ang Sampung Utos na iniutos niyang sundin ninyo. At isinulat niya ito sa dalawang malalapad na bato.
14. Nang panahong iyon, inutusan ako ng Panginoon na ituro sa inyo ang mga utos at mga tuntunin na susundin ninyo roon sa lupain na inyong aangkinin at titirhan.
15. “Nang nakipag-usap ang Panginoon sa inyo sa Bundok ng Sinai mula sa gitna ng apoy, wala kayong nakitang anyo ng Panginoon. Kaya bantayan ninyo ang inyong mga sarili
16. na hindi ninyo dudungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paggawa ng anumang anyo o imahen ng dios-diosan – lalaki man o babae,
17. hayop na lumalakad o lumilipad,
18. gumagapang o nakatira sa tubig.
19. Huwag kayong maakit sa pagsamba sa mga bagay na nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin. Ang mga ito ay inilagay ng Panginoon na inyong Dios para sa lahat ng mamamayan sa buong mundo.
20. Alalahanin ninyo na kinuha kayo ng Panginoon sa Egipto, ang lugar na katulad ng pugon na naglalagablab, para maging mamamayan niya, at ganyan kayo ngayon.
21. “Nagalit ang Panginoon sa akin dahil sa inyo, at isinumpa niya na hindi ako makakatawid sa Jordan at makakapasok sa magandang lupain na ibinigay ng Panginoon na inyong Dios bilang inyong mana.
22. Mamamatay ako sa lupaing ito na hindi makakatawid sa Jordan, pero matatawid ninyo at masasakop ang masaganang lupaing iyon.
23. Ngunit mag-ingat kayo na hindi ninyo makalimutan ang kasunduang ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan sa anyo ng anumang bagay, dahil ipinagbabawal ito ng Panginoon na inyong Dios,