44. Ito nga ang inawit ni Moises kasama si Josue sa harapan ng mga Israelita.
45-46. Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi ni Moises sa mga tao, “Itanim ninyo sa inyong mga puso ang lahat ng sinasabi ko sa inyo sa araw na ito. Ituro rin ninyo ito sa inyong mga anak para matupad nilang mabuti ang lahat ng sinasabi sa mga utos na ito.
47. Hindi lang karaniwang salita ang mga utos na ito; magbibigay ito sa inyo ng buhay. Kung susundin ninyo ito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupain na aangkinin ninyo sa kabila ng Jordan.”
48. Nang araw ding iyon, sinabi ng Panginoon kay Moises,
49. “Pumunta ka sa Moab, sa kabundukan ng Abarim, at umakyat ka sa bundok ng Nebo na nakaharap sa Jerico. Tanawin mo roon ang Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita na kanilang aangkinin.
50. Sapagkat sa bundok na iyan ka mamamatay at isasama na sa iyong mga kamag-anak na sumakabilang buhay na, gaya ni Aaron na iyong kapatid nang mamatay siya sa Bundok ng Hor at isinama na rin sa mga kamag-anak niya na sumakabilang buhay na.
51. Sapagkat dalawa kayong nawalan ng pagtitiwala sa akin sa harap ng mga Israelita nang naroon kayo sa tubig ng Meriba sa Kadesh, sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinarangalan ang aking kabanalan sa kanilang harapan.
52. Kaya makikita mo lang sa malayo ang lupaing ibinibigay ko sa mga Israelita, pero hindi ka makakapasok doon.”