Deuteronomio 32:15-30 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Naging maunlad ang mga Israelita pero nagrebelde sila.Tumaba sila at lumakas,ngunit tinalikuran nila ang Dios na lumikha sa kanila,at sinuway nila ang kanilang Bato na kanlungan na kanilang Tagapagligtas.

16. Pinagselos nila at ginalit ang Panginoon dahil sa kanilang pagsamba sa mga dios na kasuklam-suklam.

17. Naghandog sila sa mga demonyo na hindi tunay na dios – mga dios na hindi nila kilala at kailan lang lumitaw,at hindi iginalang ng kanilang mga ninuno.

18. Kinalimutan nila ang Dios na Bato na kanlungan na lumikha sa kanila.

19. Nakita ito ng Panginoon,at dahil sa kanyang galit, itinakwil niya sila na kanyang mga anak.

20. Sinabi niya, “Tatalikuran ko sila, at titingnan ko kung ano ang kanilang kahihinatnan,sapagkat silaʼy masamang henerasyon, mga anak na hindi matapat.

21. Pinagselos nila ako sa mga hindi tunay na dios,at ginalit nila ako sa kanilang walang kwentang mga dios-diosan.Kaya pagseselosin ko rin sila sa pamamagitan ng pagpapala ko sa ibang mga lahi.Gagalitin ko sila sa pamamagitan ng pagpapala ko sa mga mangmang na bansa.

22. Naglalagablab na parang apoy ang aking galit;susunugin nito ang lupa at ang lahat ng naroon,pati ang kailaliman ng lupa, at ang pundasyon ng mga bundok.

23. “Padadalhan ko sila ng mga kalamidad, at tatamaan sila ng aking mga pana.

24. Gugutumin ko sila; at mangamamatay sila sa gutom at karamdaman.Padadalhan ko sila ng mababangis na hayop para atakihin sila at mga ahas para silaʼy tuklawin.

25. Sa labas ng kanilang bahay, marami ang mamamatay sa labanan,at sa loob nitoʼy maghahari ang takot.Mamamatay ang lahat, maging ang mga kabataan, matatanda at mga bata.

26. Sinabi ko na pangangalatin ko sila hanggang sa hindi na sila maalala sa mundo.

27. Ngunit hindi ko papayagang magyabang ang kanilang mga kaaway. Baka sabihin nila, ‘Natalo natin sila. Hindi ang Panginoon ang gumawa nito.’ ”

28. Ang Israel ay isang bansa na walang alam at pang-unawa.

29. Kung matalino lang sila, mauunawaan sana nila ang kanilang kahihinatnan.

30. Paano ba mahahabol ng isang tao ang 1,000 Israelita?Paano matatalo ng dalawang tao ang 10,000 sa kanila?Mangyayari lamang ito kung ibinigay sila ng Panginoon na kanilang Bato na kanlungan.

Deuteronomio 32