1. Nagpatuloy si Moises sa pakikipag-usap sa lahat ng Israelita.
2. Sinabi niya, “Akoʼy 120 taong gulang na at hindi ko na kayo kayang pamunuan. At sinabi rin ng Panginoon sa akin na hindi ako makakatawid sa Jordan.
3. Ang Panginoon na inyong Dios mismo ang mangunguna sa inyo sa pagtawid. Wawasakin niya ang mga bayan doon, at aangkinin ninyo ang mga lupain nila. Pangungunahan kayo ni Josue sa pagtawid ayon sa sinabi ng Panginoon.
4. Wawasakin ng Panginoon ang mga bayang ito gaya ng ginawa niya kina Sihon at Og, na mga hari ng mga Amoreo, at sa kanilang lupain.
5. Ibibigay sila ng Panginoon sa inyo, at kailangang gawin ninyo sa kanila ang iniutos ko sa inyo.
6. Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matatakot sa kanila dahil ang Panginoon na inyong Dios ay kasama ninyo; hindi niya kayo iiwan o pababayaan man.”
7. Pagkatapos, ipinatawag ni Moises si Josue, at sa harap ng lahat ng Israelita ay sinabi sa kanya, “Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mangunguna sa mga taong ito sa pagpunta at pagsakop sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila. Tutulungan mo silang angkinin ang lupain.
8. Pangungunahan ka ng Panginoon at sasamahan ka niya; hindi ka niya iiwan o pababayaan man. Kaya huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”
9. Isinulat ni Moises ang mga utos na ito at ibinigay sa mga paring lahi ni Levi, na siyang mga tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, at sa lahat ng tagapamahala ng Israel.
10. Pagkatapos, inutusan sila ni Moises, “Sa katapusan ng bawat pitong taon na siyang taon ng pagkakansela ng mga utang, habang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol,
11. babasahin ninyo ang mga utos na ito sa lahat ng mga Israelita kung magtitipon sila sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya.
12. Tipunin ang mga tao – mga lalaki, babae, bata at mga dayuhang naninirahan sa bayan nʼyo – upang makapakinig sila at matutong gumalang sa Panginoon na inyong Dios at sumunod nang mabuti sa lahat ng ipinatutupad ng mga utos na ito.